Cayetano inakusahan si Lacson ng ‘demolition job, trial by publicity’
MANILA, Philippines — Tahasang inakusahan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano si Senator Panfilo “Ping” Lacson ng demolition job at trial by publicity kaugnay ng paratang na may mga maanomalyang infrastructure projects sa Taguig.
Sa kanyang Facebook livestream, sinabi ni Cayetano na “unfair” ang akusasyon hinggil sa mga flood control projects. Ipinagmalaki niya na isa o dalawang lugar na lang sa Taguig ang nagkakaroon ng flash floods, at iyon ay dahil sa engineering problem ng mga developers.
Ayon kay Cayetano, wala siyang problema na batuhin ng akusasyon bilang public official, ngunit hindi makatarungan na iugnay sa kanya ang lahat ng proyekto at titulo sa Taguig—lalo na ang mga titulo sa ni-reclaim na bahagi ng Laguna Lake. “Unfair na iugnay sa akin ang lahat ng proyekto at titulo sa Taguig,” ani Cayetano, sabay giit na isa-isa niyang sasagutin ang mga paratang sa tamang venue. Dagdag pa niya, wala siyang galit kay Lacson at inanyayahan pa ang publiko na pumunta sa Taguig upang makita ang maayos nilang flood control system.
Samantala, sagot ni Lacson sa pamamagitan ng text message sa media: lahat ng ebidensiya ukol sa mga proyekto sa Taguig na nakalap ng kanyang tanggapan ay naisumite na sa Ombudsman.
- Latest























