Kopya ng bank, tax records ni Sara, mister hawak na ng House prosec
MANILA, Philippines — Nakakuha na ang House prosecution panel ng mga kopya ng mga bank at tax records ni Vice President Sara Duterte at kanyang asawa na si Mans Carpio at kanilang mga kumpanya. Dahil dito kaya maaari nang magsagawa ang panel ng masusing pagsusuri sa mga dokumento bilang paghahanda sa paglalahad ng mga ebidensya tungkol sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman.
Sinabi ni House prosecutor at Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon, na inilabas na ng Senate Impeachment Court ang mga rekord sa prosecution panel matapos nitong matanggap at matiyak ang mga dokumentong isinumite bilang tugon sa mga subpoena. “Binigyan na rin po ng kopya ng Senate Impeachment Court ang prosecution panel ng lahat ng tax documents ng Pangalawang Pangulo, kanyang asawa, at ng kanilang mga kumpanya,” dagdag ni Ridon.
Noong Hulyo ay pinagbigyan ng impeachment court ang kahilingan ng prosekusyon para sa mga financial record at anim na bangko ang nagsumite ng mga record na may kaugnayan kay Duterte at Carpio.
Habang inihatid naman ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kanilang mga dokumento sa buwis, subalit bago ilabas ang mga kopya sa mga partido ay isinagawa muna ng korte ang imbentaryo at mga kailangang hakbang para sa seguridad ng mga dokumento.
Sinabi pa ni Ridon, na namumuno sa prosecution team na nakatalaga sa Article III, na susuriin ng panel ang mga dokumento at ihahambing ang mga ito sa mga Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALNs) ni Duterte, gayundin sa kanyang idineklarang kita at mga interes sa negosyo.
Naghahanda na aniya ang prosekusyon para simulan ang paglalahad ng ebidensya para sa Article III sa kalagitnaan o huling bahagi ng Setyembre.
- Latest























