ICC tinabla paggamit ng Tagalog sa Duterte trial

MANILA, Philippines — Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III ang kahilingan ng Office of the Public Counsel for Victims (OPCV) na gamitin ang salitang Tagalog sa kanilang opening statement sa pagdinig ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa huling status conference noong Nobyembre 2, hiniling ng mga abogado ng mga biktima na payagan silang magsalita sa Tagalog sa loob ng 15-20 minuto upang mas madaling maunawaan ng mga biktimang sumusubaybay sa pagdinig mula sa Pilipinas ang mga pahayag.
Ayon kay Paolina Massidda, principal counsel ng OPCV, mahalaga para sa mga biktima na marinig kung paano nila inihahatid sa hukuman ang kanilang mga salaysay at karanasan.
Subalit iginiit ni Presiding Judge Joanna Korner, na ang tanging tinatanggap lang na lengguwahe ng korte ay English at French at walang ibang dahilan para payagan pa ang paggamit ng ibang wika.
Binanggit din ni Korner na nagiging paulit-ulit na ang mga kahalintulad na kahilingan sa iba’t ibang paglilitis ng ICC. Dagdag ng hukom, hindi lahat ng mga biktima ay nagsasalita ng Tagalog at mayroon namang nakatalagang interpreter ang korte para sa mga pagdinig.
Sinabi rin ni Korner na hihilingin niya sa registry ng korte na pag-aralan kung maaaring maglabas ng salin o transcript sa Tagalog sa website ng ICC.
Ayon kay Korner, kapag nagsimula na ang paglilitis, inaasahang dadalo si Duterte araw-araw. Magsisimula ang paglilitis sa Nobyembre 30.
- Latest




















