Walang ‘shoot-to-kill’ order kay Bato – PNP

MANILA, Philippines — Hindi gagamit ng “shoot-to-kill” approach ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng arrest warrant laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa,.
Ito naman ang tiniyak ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., sa gitna ng kumakalat na pekeng pahayag na nananawagan umano ng shoot to kill order laban sa senador.
Ayon kay Nartatez, hindi bahagi ng kanilang polisiya ang paggamit ng labis na puwersa sa pag-aresto at mananatili itong nakabatay sa batas at tamang proseso.
“Ang tungkulin ng PNP ay ipatupad ang batas, hindi ang kumilos nang labas dito,” ani Nartatez nitong Martes.
Naglabas ng pahayag ang PNP matapos itanggi ni Cagayan de Oro 1st District Rep. Lordan Suan ang mga post sa social media na nag-uugnay sa kanya sa panawagang maglabas ng “shoot-to-kill” resolusyon laban kay Dela Rosa. Ayon kay Suan, pawang gawa-gawa ang mga ito at hindi niya kailanman binigkas ang naturang pahayag.
Binigyang-diin ni Nartatez na dapat igalang ang due process at karapatang pantao sa lahat ng operasyon ng pulisya. Aniya, hindi dapat isakripisyo ang mga legal na proseso sa paghahangad ng pananagutan at dapat pairalin ang disiplina at propesyonalismo sa pagpapatupad ng batas.
Nahaharap si Dela Rosa sa arrest warrant kaugnay ng kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC). Itinuring na rin siya ng Department of Justice at Office of the Solicitor General bilang pugante sa batas, habang may nakalaang P50 milyong pabuya para sa ikadarakip niya.
Nag-expire noong Oktubre 30 ang isang linggong palugit na ibinigay ng Department of the Interior and Local Government para sa pagsuko ng senador.
Patuloy namang inatasan ang mga yunit ng pulisya na magsagawa ng intelligence gathering at pagmamanman upang matukoy ang kinaroroonan ni Dela Rosa.
- Latest



















