Bebot timbog sa P5 milyong cosmetics products
MANILA, Philippines — Arestado ng mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang babae matapos makumpiskahan ng nasa P5 milyong halaga ng mga hindi rehistradong cosmetic at beauty products sa isinagawang operasyon sa Brgy. Tungkong Mangga, San Jose del Monte City, Bulacan.
Ayon sa ulat na tinanggap ni CIDG,Director PMaj. Gen. Robert AA Morico II, isinagawa ang operasyon noong Setyembre 7, 2026 bandang alas-3:50 ng hapon katuwang ang mga kinatawan ng Food and Drug Administration (FDA) at San Jose del Monte City Police Station dahil sa paglabag sa Republic Act No. 3720 o Food, Drug, and Cosmetic Act, na inamyendahan ng RA 9711 o FDA Act of 2009.
Nasamsam mula sa suspek na siyang may-ari ng mga produkto ang 78 kahon ng mga cosmetic items at beauty creams na walang kaukulang rehistro o awtorisasyon sa FDA sa pag-iimbak at pagbebenta nito.
Ayon kay Morico, bahagi ng mandato ng kanilang ahensya ang pagpapatupad ng batas laban sa pagbebenta ng mga produktong maaaring makapinsala sa publiko. Pinuri rin niya ang CIDG Regional Field Unit 3 sa pangunguna ni PCol. Grant A. Gollod at CIDG Bulacan Provincial Field Unit sa ilalim ni PMaj. Domingo A. Resma Jr. sa pagkakadiskubre sa ilegal na bentahan ng mga substandard na cosmetic products.
- Latest





















