P2 milyong narra nasabat sa checkpoint ng Nueva Vizcaya
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya , Philippines — Mahigit sa P2 milyong halaga ng mga nalagareng narra ang nasabat sa isang police checkpoint sa bayan ng Diadi, dito sa lalawigan, kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat ng Diadi Police, unang pinara ng mga operatiba ng PNP 2nd Mobile Force Platoon ang isang Isuzu Forward trak (MBQ 1340) bilang bahagi ng kanilang inspection.
Agad namang nagpakita ng driver’s lisence ang driver na si alyas “Baldo,” 28, ng Paracelis Mountain, subalit, nang suriin ang laman ng trak ay nadiskubre ang hinihinalang ilegal na mga narra na tinabunan ng mga bunga ng niyog.
Agad na pinababa ang driver at pahinante para hanapan ng kaukulang mga dokumento subalit mabilis silang tumakbo patungo sa masukal na bahagi ng lugar.
Sa kabila nito, natukoy pa rin ang driver sa pamamagitan ng naiwang lisensya nito habang inaalam ang pagkakilanlan ng kasamahan.
Ayon naman sa DENR, nasa 4,079 board feet ang narekober na mga narra na nasa P2.09 milyon ang halaga.
- Latest























