Alas Girls giniba Tunisia

MANILA, Philippines — Nagpasiklab sina Xyz Rayco at Resty Olaguir upang akbayan ang Alas Pilipinas Girls sa 27-25, 25-19, 25-16 panalo kontra nagkukumahog na Tunisia sa FIVB Volleyball Girls U17 World Championship na nilaro sa Liceo Particular Mixto, San Felipe, Chile kahapon.
Nagtulungan sina Rayco at OIaguir upang makakuha ng magandang tiyempo sa paluan kaya naman pininta ng Alas Pilipinas Girls ang 2-1 win-loss record at upuan ang No. 2 sa Pool B.
Matapos ang opening loss sa defending champion China, biglang uminit ang world No. 25 Alas Pilipinas Girls para ibagsak ang No. 8 Mexico bago winalis ang No. 20 Tunisia.
Lumalakas ang tsansa ng Alas Pilipinas Girls na umusad sa susunod na phase kung saan ay may dalawang natitirang laro na lamang sila sa preliminaries.
Nasa tuktok ng Pool B ang power house at world No. 1 na China, ang top four teams sa bawat pool ang mag-mamartsa sa Round of 16.
Ganadong iniikot ni Olaguir ang bola kaya naman halos perfect set ang natatanggap ni Rayco at nagiging madali ang pagpuntos para sa Alas Pilipinas Girls na ang kanilang kampanya ay suportado ng Philippine Olympic Committee, Philippine Sports Commission at Asics.
- Latest






















