Onsehan sa droga: 14-anyos binatilyo, itinumba
MANILA, Philippines – Pinaniniwalaang onsehan sa droga ang motibo ng pamamaril na ikinasawi ng isang 14-anyos na binatilyo habang sugatan naman ang 23-anyos nitong tiyuhin at isang bystander nang pagbabarilin ng motorcycle riding in tandem na mga salarin sa Calamba City, Laguna nitong Linggo.
Ang nasawi ay kinilala sialyas “Zel” habang sugatan ang tiyuhin nitong si alyas “John,” 23 at ang 40-anyos na babaeng bystander na tinamaan ng ligaw na bala na kinilalang si alyas “Cy.”
Sa ulat ni Calamba City Police, bago nangyari ang insidente, alas-11:00 ng umga sa kahabaan ng highway ng Brgy. Parian ng lungsod ay angkas ang 14-anyos na biktima sa motorsiklo na minamaneho ng kanyang tiyuhin.
Ilang sandali ay bigla na lang silang dikitan ng motorcycle riding-in-tandem at walang kaabug-abog na pinagbabaril ang target na binatilyo na kung saan ay nasugatan ang tiyuhin habang minalas tamaan ng ligaw na bala ang isang 40-anyos na ginang.
Sa pahayag ng pulisya, posible umanong napagkamalan lamang ng mga suspect ang biktima dahilan suot nito ang helmet ng kaniyang tiyuhin na siyang target ng mga salarin.
Masusing inimbestigahan ang kaso na kung saan isa sa sinisilip na anggulo ay may kinalaman sa onsehan sa illegal na droga.
- Latest














