Dobleng pondo sa flood control sa 2027 budget, nasilip ni Ping
MANILA, Philippines – Nasilip ng tanggapan ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na may iregulatidad at dobleng alokasyon para sa ilang flood control project sa panukalang 2027 national budget.
Kaya’t isusulong nitong alisin ang mga doble o maging maramihang alokasyon sa mga proyekto sa pagtalakay ng Senado sa panukalang budget at, kung kinakailangan sa bicameral conference committee.
Sinabi niyang bukod pa ito sa hindi bababa sa 30 ‘ghost’ multi-purpose building (MPB) na nakita sa panukalang budget, na isusulong din niyang alisin.
Noong weekend, binatikos ni Lacson ang mga alokasyon para sa 3,950 MPB, na hiwalay pa sa 1,584 MPB na saklaw ng Financial Assistance to Local Government Units (LGU) subprogram ng Local Government Support Fund (LGSF) mula 2022 hanggang 2026.
Binanggit niya ang hindi bababa sa isang kaso kung saan nabigyan na ng alokasyon ang ilang MPB sa mga nakaraang taon, kabilang ang 2024, 2025 at 2026, ngunit wala pa ring naitayong istraktura sa mga itinakdang lokasyon hanggang ngayong 2026.
“Ang na-flag ng team namin at least 30 kung saan-saang sulok ng Pilipinas,” aniya.
Sinabi pa ni Lacson na may mga “commission” din sa mga MPB, bagaman hindi ito kasinglaki ng nakukuha sa mga flood control project.
Sinabi niyang maaaring umabot sa 10 porsiyento ang “standard” commission sa mga MPB.
Sa mga naunang pahayag ngayong taon, binanggit ni Lacson ang 15 hanggang 30 porsiyentong kickback para sa mga nagmumungkahi ng mga maanomalyang flood control project.
“Sa Senate version lang, mayroon pa kaming period of amendments. ‘Pag maipakita naman sa aming mga kasamahan na hindi kailangan kasi doble na ‘yung appropriation sa iisang proyekto, palagay ko, matuwid naman na tanggalin ‘yun hanggang sa bicam,” ani Lacson.
“Hanggang ngayon, patuloy pa rin ‘yung pagkalkal namin, nadadagdagan ‘yung mga ganong klaseng mga appropriations. Pagdoble, dapat tanggalin na talaga ‘yung isa. Quadruple, tanggalin ‘yung tatlo,” dagdag ni Lacson.
- Latest














