^

Punto Mo

BIR, gising; bodega ng e-bike busisiin

QUESEJODA - Butch M. Quejada - Pang-masa

Panahon nang kalampagin ang Bureau of Internal Revenue­ (BIR) para imbestigahan ang mga bodega ng e-bike na nagbebenta ng produkto sa pamamagitan ng online transactions, partikular ang isang lumang bodega sa Tondo na kaila­ngang silipin ng mga kinauukulan.

Hindi maliit na bagay ang mga tanong na bumabalot sa ope­rasyon nito. Ayon sa reklamong kailangang beripikahin, may customer na matapos magbayad sa pamamagitan ng Cash on Delivery (COD) ay nakatanggap ng resibong nakasulat sa Chinese sa halip na malinaw na opisyal na sales invoice ng kumpanyang pinagbilhan.

Bakit ganoon? Sino ba talaga ang nagbebenta? Kaninong pangalan nakarehistro ang negosyo? Saan napupunta ang perang kinokolekta ng delivery rider? At naitatala ba sa opisyal na accounting records ang bawat transaksiyon?

Hindi masama kung Chinese ang nakasulat sa isang dokumento. Pero kung hindi malinaw kung anong kumpanya ang tumanggap ng bayad at kung anong dokumento ang nagsisilbing patunay ng bentahan, may dahilan para magtanong at magsagawa ng pagsusuri.

Silipin ang mga bodega. Tukuyin ang mga may-ari, operator, importer, distributor at kumpanyang nasa likod ng online selling operations. Suriin ang kanilang business registration, importation records, inventory, sales invoices at tax declarations. Sundan ang daloy ng perang nakokolekta sa COD transactions.

Kung milyun-milyong pisong halaga ng e-bike ang naibebenta, dapat malinaw kung naidedeklara nang tama ang lahat ng kita at naibabayad ang kaukulang buwis.

Dito pumapasok ang mas mabigat na tanong: may iregularidad ba sa kanilang transaksiyon? May nagkukulang ba sa pagbabayad ng buwis? May mga taong posibleng nakikinabang habang ang kaban ng bayan ang nawawalan?

Hindi natin sinasabing may sabwatan na agad. Pero hindi rin dapat balewalain ang mga kahina-hinalang detalye. Kung malinis ang operasyon, walang dapat ikatakot sa masusing pagsusuri.

Panawagan din sa Bureau of Customs na tiyaking maayos ang dokumentasyon ng mga inaangkat na produkto at walang nilalabag na batas sa importasyon.

Huwag hayaang maging bulag ang batas sa malalaking negosyong kumikita sa Pilipinas. Hindi puwedeng ang ordinaryong mamamayan ay walang ligtas sa buwis habang may mga negosyong posibleng nakalulusot sa kanilang obligasyon.

Ang buwis ay pera ng bayan, hindi pangbulsa ng sinuman!

DISCLAIMER: Ang komentaryong ito ay panawagan para sa transparency at patas na pagbubuwis. Ang mga reklamong binanggit ay nangangailangan ng beripikasyon. Walang indibidwal o kumpanyang idinedeklarang nagkasala. Anumang paglabag ay kailangang patunayan sa pamamagitan ng ebidensiya at wastong proseso.

BUREAU OF INTERNAL REVENUE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with