‘Killer’ ng mag-asawang retired teacher, timbog!

COTABATO CITY , Philippines — Matagumpay na naaresto ng mga awtoridad ang isang lalaki na suspek sa brutal na pagpatay sa mag-asawang senior na kapwa retiradong guro sa Banisilan, Cotabato nitong Linggo ng madaling-araw.
Ayon sa pulisya, ang suspek na kinilala sa alyas na si “Rem” ay nakorner nitong Martes nang mga tumutigis sa kanyang mga pulis sa Barangay Guiling, Alamada, Cotabato, hindi kalayuan sa Barangay Poblacion 2 sa Banisilan, kung saan matatagpuan ang bahay ng mga biktimang sina Edwin Daquil Galeno, 81, at 82-anyos na maybahay na si Elsa Bermejo Galeno na pinasok ng una.
Ang mag-asawang Galeno ay nagtapuang kapwa duguan ng kanilang mga kapitbahay sa loob ng kanilang tahanan sa Purok Matulungin-A, Barangay Poblacion 2, matapos makarinig ng sigaw at paghingi ng saklolo ng mag-asawa na hinihinalang inaatake ng hindi kilalang salarin na mabilis na tumakas.
Itinuro ng mga residente ng Barangay Poblacion 2 si Rem na siyang responsable sa krimen, na agad kinondena ni Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza at ng mga lokal na opisyales.
Sinabi sa mga mamamahayag ng mga imbestigador ng Banisilan Municipal Police Station at mga barangay officials na pawang rumesponde sa insidente na ang matandang si Edwin ay nagtamo ng malalim na saksak sa dibdib habang ang kanyang misis na si Elsa ay pinagpapalo ng dos por dos o matigas na bagay sa ulo na sanhi ng agaran din nitong pagkamatay.
Una umanong plinano ni Rem na pagnakawan ang mga Galenos ng kanilang itinatagong pera sa kanilang bahay pero matapos umanong pumalag at humingi ng tulong ang dalawang matanda ay dito na sila halinhinang pinatay ng suspek.
- Latest





















