Empleyado sinuwag ng motor sa pedestrian lane sa Rizal
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Malubhang nasugatan ang isang empleyado nang salpukin ng motorsiklo habang tumatawid sa pedestrian lane sa kahabaan ng Manila East Road sa Barangay Dolores, Taytay, Rizal nitong Sabado.
Inoobserbahan sa East Avenue Medical Center hospital ang biktimang si Mico Joseph Claro, 27, ng Barangay Tatalon, Quezon matapos magtamo ng mga bali ng buto sa balakang, mga galos at pasa sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Agad namang nasakote ang driver ng motorsiklo na si Zabdiel Joseph Mazana, 23, na isang ring empleyado at sinampahan na ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Serious Physical Injury sa Provincial Prosecutor’s Office sa Taytay.
Ayon kay Bianca Ella Olosim, 22, pamangkin ni Claro, kagagaling lang nila ng night swimming kasama ang mga pinsan at si Claro at papauwi na sa inuupahang Apartelle upang magpahinga sa Taytay nang maganap ang hindi inaasahang insidente. Nauna sa paglalakad si Claro mula sa kanyang pamangkin habang tumatawid sa pedestrian lane nang banggain siya ng humahagibis na motorsiklo mula sa hindi malamang direksyon, nitong Sabado dakong alas-2:33 ng madaling-araw.
Tumilapon ang biktima ng ilang metro ang layo mula sa lane dahil sa malakas na impact ng pagbangga ng motorsiklo. Agad naman siyang sinaklolohan ng mga kaanak at dinala sa ospital.
- Latest





















