Military convoy inambus: 10 sundalo, 1 CAFGU sugatan
COTABATO CITY, Philippines – Sampung personnel ng Philippine Army’s 45th Infantry Battalion at isang militiaman ang malubhang sugatan matapos tambangan ang kanilang convoy ng armadong grupo pagsapit sa Barangay Badja, Tipo-Tipo, Basilan nitong Lunes ng umaga.
Sa inisyal ng ulat ng local executives ng Basilan at Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region sa Camp SK Pendatun sa Parang, Maguindanao del Norte, tatlo sa 11 military servicemen ang nasa kritikal na kondisyon at agad na na-airlift ng Philippine Air Force (PAF) helicopter patungong ospital sa headquarters ng Western Mindanao Command sa Zamboanga City.
Ayon kay Police Captain Steffie Salanguit, spokesperson ng PRO-BAR, ang mga ambush victims na nakilalang sina 2Lt. June Joseph Madla, Staff Sgt. Allan Veniegas, Sgt. Rolando Tumbali, Jr., Sgt. Carinio Guyod, Cpl. Roel Hagonoy, Cpl. Anton Gregory De Guzman, Privates First Class Glen Estardo, Mark Anthony Abianares, Jay Taripe at Almer Sinarellos, at ang CAFGU member na si Nursifa Asani, ay nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa report ng mga opisyal ng Basilan Provincial Police Office sa PRO-BAR, ang mga sundalo na pinamumunuan ni 45th IB’s commanding officer Lt. Col. Franco Baylon ay magkakahiwalay na sakay ng tatlong KM450 light Army trucks kasama ang tatlong iba pang civilian vehicles sa sakay ang ilang miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU), at patungong headquarters ng 101st Infantry Brigade sa Isabela City via Lamitan City, nang bigla silang paulanan ng bala.
- Latest


















