‘Killer’ ng tserman sa Capiz, arestado

CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Matapos magtago ng halos 16 taon, sa wakas ay naaresto sa Calapan City, Oriental Mindoro, ang isang pugante na tinaguriang pangunahing suspek sa pagpatay sa bagong halal na punong barangay na si Rolando Besorio sa Capiz noong 2009 sa Calapan City, Oriental Mindoro, nitong Biyernes ng umaga.
Ang suspek na si Orlando Pionelo, 51, alyas “Orlando”, at tubong Panitan, Capiz, ay isa sa mga Most Wanted Person ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ayon kay Brig. Gen. Roel Rodolfo, regional director ng rehiyon ng Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan).
Ayon kay Gen. Rodolfo na armado ng warrant of arrest para sa murder case ang pinagsamang elemento ng Regional Intelligence Unit 4B at Calapan local police nang arestuhin si Orlando habang naglalakad mag-isa sa Barangay Sta. Isabel, Calapan City, noong Biyernes dakong alas-10:30 ng umaga.
Ang warrant ay inilabas ni Judge Juliana Azarraga ng Regional Trial Court, Branch 15, Roxas City, Capiz na may petsang Marso 31, 2019 na walang inirekomendang piyansa.
Sinabi ni Lt. Col. Danilo Driz Jr, hepe ng Calapan Police Station, na nagtago si Orlando mula sa iba’t ibang lugar, at probinsya kabilang ang Metro Manila sa loob ng halos 16 na taon matapos mangyari ang krimen sa Barangay Panitan sa Roxas City, Capiz noong 2009.
Ayon kay Lt. Col. Driz, si Orlando ay tinaguriang killer sa isang bagong halal na punong barangay na si Besorio, 44, ng Barangay Quios, Panitan, Capiz noong Nob. 2009.
Si Besirio ay nagmamaneho sa Barangay mobile patrol (multicab) kasama ang isang pasahero nang pagbabarilin siya ng riding-in-tandem pagsapit sa kahabaan ng Panitan proper sa Barangay Quios, noong Nob. 3, 2009 bandang alas-11:45 ng umaga.
- Latest


















