Mag-asawa nilikida
MANILA, Philippines - Kamatayan ang sinapit ng mag-asawa makaraang ratratin ng mga hindi kilalang lalaki sa Barangay San Vicente, bayan ng Malangas, Zamboanga Sibugay kamakalawa ng gabi. Si Zenaido Tormes, 53, ay nagtamo ng limang tama ng bala sa katawan habang nasapul naman sa ulo at kanang hita ang misis nitong si Marcela Tormes, 46. Sa ulat ni P/Supt. Rogelio Alabata, PNP regional spokesman, lumitaw na ang mag-asawa ay umalis sa bahay at nakipanood ng telebisyon sa kapitbahay pero pag-uwi ay pinagbabaril. Sa pahayag ng anak na si Ailyn Tormes Caliso, bago ang krimen ay ilang lalaking naka-itim na jacket na may hood ang nakita niyang pumasok sa tarangkahan ng bahay pero wala ang mag-asawa kaya kaagad na umalis. Narekober naman sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol.
- Latest