Orcollo no. 1 pa rin sa money maker world ranking
MANILA, Philippines — Nanatili sa No. 1 spot si dating world champion Dennis Orcollo sa world ranking ng Az Billiards Money Maker List matapos ang ilang malalaking torneong ginanap sa US circuit.
Sa first quarter pa lamang ng taon, nakalikom na si Orcollo ng tumataginting na $59,650 premyo ngunit mas malaki pa sana ito kung natuloy ang ilang malalaking torneong nakansela dahil sa coronavirus (COVID-19) pandemic.
Limang titulo na ang nasikwat ni Orcollo.
Pinakamalaking kinita nito nang makuha ng Pinoy cue master ang Master of the Table sa 2020 Derby City Classic na ginanap sa Elizabeth, Indiana kung saan nagbulsa ito ng $20,000.
Dagdag pondo pa ang $16,000 na nakamit nito sa 9-Ball Danks Division ng 2020 Derby City Classic.
Naghari rin si Orcollo sa 6th Texas Open 10-Ball Championship ($4,000), 2020 Music City Classic Midnight Madness ($4,000) at 2020 Scotty Townsend Memorial 10-Ball Championship ($1,700).
Namamayagpag ang Pinoy squad sa US circuit dahil tatlo pang Pilipino ang nasa Top 10 ng listahan - sina No. 4 Lee Vann Corteza, No. 5 Zoren James Aranas at No. 6 Francisco “Django” Bustamante.
Humakot si Corteza ng $26,000 kabilang ang $16,000 sa kampeonato nito 2020 Derby City Classic 9-Ball Division at $8,000 sa kanyang runner-up finish sa 2020 Derby City Classic Bigfoot Challenge.
Umangat naman sa puwesto si Aranas na may $24,790 sa bulsa.
Nagkampeon si Aranas sa 2020 Scotty Townsend Memorial 9-Ball Championship ($4,000) at pumangalawa sa 2020 Diamond Las Vegas 10-Ball Open ($10,000).
Mayroon namang $19,740 premyo si Bustamante kung saan pinakamalaking nakuha nito ang $10,000 matapos mamayagpag sa 2020 Scotty Townsend Memorial One Pocket.
- Latest