Mga tunay na bayani
Maituturing nating mga bayani ng makabagong panahon ang lahat nang nakilahok sa ginanap na SEA Games sa ating bansa.
Maraming naturingang bayani sa iba’t ibang paraan at ang iba ay hindi nalathala dahil nga nangyari ito sa malayo at liblib na lugar sa ating bansa.
Pero meron tayong dalawang maituturing at mainit na pinag-uusapan ang kabayanihan. Sila ay sina Police Master Sargeant Jason Magno at surfer Roger Casungay.
Si Master Sargeant Jason Magno ng Misamis Oriental ay nagbuwis ng sariling buhay para maiwasang mapahamak ang mga estudyante at guro sa Initao College campus dahil sa isang inihagis na granada ng isang lalaking nag-amok.
Hindi nagdalawang isip si Magno na daganan o dapaan ang granada. Mas inuna niya ang kapakanan ng nakararami kaysa sa sariling kaligtasan.
Masasabi kong maraming bugok sa hanay ng PNP dahil sa hindi mamatay-matay na kotong cops at ninja cops pero marami pa rin sa kanila ang nagbubuwis ng buhay sa larangan ng trabaho. Marami pa rin ang mararangal na pulis.
Si Roger Casungay naman ay kalahok sa SEA Games. Hindi matatawaran ang kanyang ginawa sa katunggaling Indonesian. Habang sila’y nagpapasiklaban sa naglalakihang mga alon, aksidenteng natanggal ang leash ng kanyang katunggali.
Hindi nagdalawang isip si Casungay na iligtas ang kapwa manlalaro. Sinagip niya ito sa bingit ng kamatayan.
Para sa akin hindi matatawaran ang ginawa ng ating mga kapwa Pinoy na maituturing na mga bagong bayani.
Hindi man pinalad na mabuhay si Master Sargeant Magno pero nakatatak na sa ating puso at isipan ang kanyang kabayanihan.
At ito namang si Casungay, kasalukuyang ninanamnam ang magagandang papuri galing sa iba’t ibang lahi sa buong mundo. Maski si Indonesian President Joko Widodo ay pinuri ang kanyang ginawang kabayanihan.
Malaking puntos ito para sa ating bansa dahil ang mga Pinoy ay mas mahalaga ang buhay ng tao kaysa sa medalya.
- Latest