“Hahabol-habol”
- Tony Calvento (Pilipino Star Ngayon) - February 2, 2016 - 9:00am

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

MAY MGA BABAENG tinatawag natin na nagpapahabol-habol. Meron din kabaliktaran na ang lalaki ang nagpapahabol-habol. Pakiramdam nila mas macho sila!

“Bumalik na ang asawa ko sa ‘min pero yung babae habol pa rin ng habol. Gusto niyang makuha ulit ang mister ko,” pahayag ni Edelyn.

Nakatira sa Cavite si Edelyn Ibarle, kwento niya nahuli niya noon ang mister na may ibang babae. Inamin daw ito mismo sa kanya kaya’t lalong naging matibay ang kanyang hinala.

Ilang buwan ang nakalipas tila natauhan ang mister ni Edelyn at bumabalik na sa kanya.

“Nangako siya na magbabago na at iiwan niya na ang na­ging kabit niya. Pumayag naman ako at pinanghawakan ko ang sinabi niya,” salaysay ni Edelyn.

Habang dumadaan ang araw nakikita ni Edelyn na tinototoo ng mister ang ipinangako sa kanya. Ayos na sana ang buhay nila kung walang babaeng naghahabol sa kanyang mister.

Nagbabanta raw ito sa pamilya nila. Palagi raw siyang tine-text ng kung anu-anong bagay at sinasabing gagawin niya ang lahat para makuha ulit ang mister ni Edelyn.

“Kahit daw bilhin niya pa raw ang mister ko gagawin niya. Sumugod pa yan dito sa bahay at gusto niyang sumama sa kanya ang asawa ko. Bakit naman gagawin ng mister ko yun maayos na kami,” ayon kay Edelyn.

Marami na rin daw siyang text na natatanggap mula dito at nung simula ay binalewala niya lang. Hindi naman niya binura ang mga ito at inisip na kung sakaling may masamang mangyari sa kanyang mister ay wala siyang ibang sisisihin kundi ang dating naging kabit nito.

“Itinago ko yun bilang ebidensya. Ang problema lang talaga ayaw kaming tantanan nitong babae. Laging nanggugulo sa amin,” sabi ni Edelyn.

Tanong ni Edelyn ano ang maaari niyang gawing aksyon para tigilan na sila ng babaeng nanggugulo para mamuhay na ng maayos ang kanilang pamilya.

Natatakot daw sila dahil nakikita nila ang babae sa kanilang lugar. Tahimik naman daw ito sa ngayon pero hindi nila alam kung may iba ba itong binabalak laban sa kanilang pamilya.

“Ang gusto ko lang masiguro ang kaligtasan ng pamilya ko at matahimik kami,” ayon kay Edelyn.

***Para sa ibang balita lumapit sa amin si Jenelita Sayno upang magtanong kung ano ang maaari niyang gaawin dahil ang kanyang asawa ay tila wala na raw pakialam sa kanilang anak.

Tinanggal na raw ng asawang si Fidel bilang benepisyaryo ang kanyang anak at ipinalit nito ang anak sa iba. Sa pagkakaalam din ni Jenelita ay nagpakasal na ito sa kinakasama gayung kasal sila.

“Na-stroke ang anak kong si Michelle. Bente tres anyos na siya. Sabi sa amin ng doktor kailangan siyang maoperahan. Sa ngayon pinauwi siya mula sa Medical City dahil wala pa kaming pera pampaopera,” kwento ni Jenelita.

Malaking halaga raw ang kakailanganin para sa operasyon at walang malapitang iba si Jenelita. Wala raw pakialam si Fidel sa kanila.

Matagal na raw itong hindi nagsusustento at hindi naman nila hinahabol pa.

“Ang hindi ko matanggap bakit kailangan niyang alisin bilang beneficiary ang anak ko, tunay niyang anak si Michelle. Sa mga ganitong pagkakataon kailangan namin yun para sa pagpapagamot,” wika ni Jenelita.

Tanging ang anak na seaman ni Jenelita ang pinag-aral ni Fidel at si Jenelita na ang nagtaguyod sa iba nilang anak.

Si Michelle napagtapos niya ng kolehiyo at kasalukuyan na sanang nagtatrabaho kaso nangyari sa kanya ito kaya’t hirap sila kung saan kukuha ng pera para mapaoperahan ito.

“Saan po ba nagtatapos ang sinasabing pagsuporta ng isang magulang sa kanyang anak? Kapag ba dumating sa edad na bente tres ang anak at kinailangan ng tulong ng isang ama ay wala na siyang mahihingi mula dito?” tanong ni Jenelita.

Matagal na raw silang hindi nagkakausap ngunit may numero siya ng kinakasama nito na maaari niyang kausapin para maiparating  kay Fidel ang anumang  kahilingan.

Nagtatrabaho rin sa Libya ang kanyang mister kaya’t imposible na wala itong pwedeng maitulong sa kanila.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa unang kwento na aming itinampok unang mabuting gawin ni Edelyn  ay ipa-blotter ang mga text na kanyang natatanggap mula sa babaeng gumugulo sa kanilang pamilya. Kung may pagbabanta sa buhay ng kanyang mister at sa kanyang pamilya ay maaari niya itong sampahan ng kaso.

Ang tanong ko naman, ‘ano ba ang ginagawa ng mister mo? Baka naman gusto niya ang pakiramdam na merong nag-aagawang babae para sa kanya. Kung gusto niyang tuldukan ang paghahabol nung babae kausapin niya at diretsuhin. Wala namang babaeng maghahabol kung hindi nagpapahabol yung lalake.

Siya ang gumawa ng gusot na ito, siya ang magplantsya para maayos ito!

****Sa pangalawang kwento naman tungkol sa suportang tinatanong ni Jenelita, ang isang ama hindi nagtatapos ang kanyang pagtulong sa anak kapag lumampas na ito sa edad na labing walong taong gulang.

Dapat dalawa silang nagtutulungan para mapabuti ang kapa­kanan ng kanilang mga anak. Kung totoo man na may iba nang kinakasama si Fidel, hindi ito sapat na dahilan para balewalain niya ang mga anak niya kay Jenelita.

Nasa peligro ang buhay ng kanyang anak, hahayaan niya na lang bang mapahamak ito at ipagwalang bahala ang mangyayari dito?

Tungkol sa pagtatanggal ng pangalan ng kanyang benepisyaryo karapatan ng isang miyembro na baguhin o palitan ang maaaring makinabang ng mga benepisyong dapat niyang makuha.

Ang hindi ko lang maitindihan dito kay Fidel kung bakit niya natitiis na huwag pansinin ang kanyang anak gayung delikado ang kalagayan nito. Ang kapal din naman ng apog mo!

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

ACIRC ALIGN ANAK ANG EDELYN JENELITA KANYANG LEFT NIYA QUOT STRONG
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with