PBA Press Corps Player of the Week
MANILA, Philippines — Si Jayson Castro ng TNT Katropa pa rin ang isa sa pinakamagaling na point guard sa Philippine Basketball Association (PBA).
Iyan ang ipinaalala ni ‘The Blur’ matapos akayin sa dalawang malaking panalo ang Tropang Texters para hirangin bilang Cignal-PBA Press Corps Player of the Week sa ikalawang linggo ng 2019 PBA Philippine Cup.
Tumikada ng mga averages na 16.5 points, 4.0 rebounds, 6.5 assists at 2.5 steals ang veteran guard sa dalawang sunod na panalo ng TNT Katropa.
Sinimulan ng 32-anyos na si Castro ang linggo sa pagtala ng 9 points, 3 rebounds, 2 assists at 1 steal sa 85-80 panalo ng Tropang Texters kontra sa NLEX Road Warriors noong nakaraang Miyerkules.
Noong Linggo ay hindi na naawat ng four-time Best Player of the Conference nang magliyab ng 24 points, 5 rebounds, 11 assists at 4 steals upang trangkuhan ang 104-93 tagumpay kontra sa San Miguel.
“’Hindi ko na maalaala (yung huling panalo) kasi lagi kaming natatalo sa kanila,” sabi ng six-time PBA champion na si Castro.
Dinaig ni Castro ang mga kakamping sina Troy Rosario at Ryan Reyes, Gabe Norwood at Mark Borboran ng Rain Or Shine at sina Calvin Abueva, Jason Perkins at Matthew Wright ng Phoenix para sa nasabing weekly citation.
Nauna nang pinarangalan si Sean Anthony ng NorthPort noong nakaraang linggo bilang unang Cignal-PBA Press Corps Player of the Week ngayong taon.
- Latest