Pinoy speedcuber bumida sa Malaysia

KUALA LUMPUR — Nagpasiklab ang Filipino speedcuber na sina Brenton Angelo Lo Wong at Juan Miguel “Uno” Magallanes sa Malaysia matapos mag-uwi ng karangalan sa bansa sa Malaysia National Speed Cubing Championships.
Ipinakita nina Wong, 20-anyos at ng 12-anyos na si Magallanes ang kani-kanilang husay sa mga event na nilahukan, patunay sa patuloy na pag-angat ng Pilipinas sa mabilis na lumalawak at mas nagiging kompetitibong mundo ng speedcubing sa Asya.
Nakuha ni Wong, isang junior Business Marketing student sa Ateneo de Manila University, ang silver medal sa 3x3 main event matapos itala ang 5.634 segundo.
Dagdag ito sa mga tagumpay ni Wong bilang isa sa mga nangungunang speedcuber ng bansa.
Matatandaang nasungkit ni Wong noong Hulyo ang kanyang ikalawang Philippine National Speed Cubing title.
“It was a tough competition with more than 100 players from around the region,” pahayag ni Wong, naglaro sa ilalim ng MnM Cube Shop. “I’m very thankful for God’s guidance and for the support of my parents and sponsors.”
Samantala, pinatunayan ni Magallanes ang kanyang palayaw na “Uno” matapos manguna sa 2x2 event sa oras na 1.06 segundo at average na 1.47 segundo.
Nagkamit din siya ng silver medal sa 3x3 event matapos magtala ng 4.48 segundo sa single at may average speed na 6.45 segundo. Pumangalawa rin siya sa 3x3 One-Handed event.
Ayon kay Magallanes, naging mahalagang bahagi ng kanyang pag-unlad sa speedcubing ang tuluy-tuloy na pagsasanay at patuloy na pagkatuto.
“When I started cubing almost three years ago, I was just happy getting sub-20 in 3x3 and sub-5 in 2x2,” sambit ni Magallanes.
“One of the biggest lessons cubing has taught me is that you don’t always realize how far you’ve come until you stop and look back at where you started. What once felt impossible can slowly become reality when you keep practicing, keep learning and, most importantly, keep showing up,” dagdag pa ni Magallanes na suportado ng Stellar Cube.
Hindi lamang sa individual events nagtagumpay ang mga Pinoy. Nakipagsanib-puwersa sina Wong at Magallanes kay Malaysian speedcuber Tee Kai Yang upang masungkit ang kampeonato sa team relay para sa Team BTJ.
Para kay Wong, higit pa sa pagkamit ng medalya ang kanilang paglahok sa Malaysia. Nais niyang magsilbing inspirasyon ang kanilang tagumpay sa mas maraming kabataang Pilipino na nais sumabak sa mind sports at makipagkompetensiya sa international stage.
Plano rin ni Wong, katuwang ang MnM Cube Shop, na ipagpatuloy ang pagsasagawa ng mga seminar, clinic at Super Intensive Training para sa mga batang speedcuber sa Maynila at mga karatig-lalawigan.
Nakatuon na rin ang mga Pinoy speedcuber sa mas malaking hamon sa susunod na taon, kabilang ang inaugural Asian Speed Cubing Championships na inaasahang magkakaroon ng premyong US$100,000 sa ilalim ng pangangasiwa ng Olympic Council of Asia.
- Latest





















