Creamline reresbakan Choco Mucho sa semis

MANILA, Philippines — Excited nang resbakan ng No. 2 Creamline ang sister team at No. 3 Choco Mucho sa kanilang semifinals match sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series.
Tinalo kasi ng Flying Titans ang Cool Smashers, 23-25, 25-13, 25-23, 22-25, 15-13, sa elimination noong Nobyembre 12.
“Exciting kasi maraming tao, maraming nagchi-cheer, lalo na rin galing kami sa talo sa kanila, five sets,” sabi ni Creamline spiker Tots Carlos sa pagbawi nila sa Choco Mucho.
“Excited kami, ako personally, na makita ‘yun ulit sa next games namin at kung paano namin suportahan ulit ‘yung isa’t isa. For sure happy ‘yung mga boss namin,” dagdag nito.
Bitbit ng Cool Smashers ang ‘twice-to-beat’ advantage sa pagsagupa sa Flying Titans ngayong alas-6 ng gabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Tangan din ng No. 1 Nxled Chameleons ang ‘twice-to-beat’ kontra sa No. 4 Farm Fresh Foxies sa upakan nila sa alas-3:30 ng hapon.
Muling makakatuwang ni Carlos sa Creamline sina Jema Galanza, Alyssa Valdez, Bernadeth Pons, Bea de Leon, Pangs Panaga, setter Jia De Guzman at libero Jen Nierva.
Ibabangga ng Choco Mucho sina Eya Laure, Sisi Rondina-Rosales, Maddie Madayag, Caitlyn Viray, Kat Tolentino, Jewel Encarnacion, setter Alina Bicar at libero Dawin Catindig.
Nakatutok naman ang Nxled sa kanilang kauna-unahang finals appearance sa pakikipagtuos sa Farm Fresh.
Sinagpang ng Chameleons ang Foxies, 25-19, 25-17, 23-25, 20-25, 15-12, sa una nilang pagkikita noong Oktubre 17.
Kung magkakaroon ng ‘do-or-die’ game sa dalawang semis matches ay gagawin ito sa Huwebes sa parehong venue.
- Latest



















