Gilas Women silver lang
MANILA, Philippines — Nagkasya lamang sa pilak na medalya ang Gilas Pilipinas Women 3x3 matapos matalo sa finals ng 6th Asian Beach Games na ginanap sa Sanya Sports Centre Gymnasium sa China.
Lumasap ang Gilas Women ng 13-21 kabiguan sa kamay ng host China para makuntento sa runner-up finish.
Solido ang ratsada ng Chinese squad sa pangunguna nina Hengyu Yang at Fengyi Sun upang dominahin ang buong panahon ng laban.
“Medyo we ran out of gas nung dulo. Pero I’m very happy with our performance. We really gave them a battle in the last game. Obviously, the height difference was a big factor,” ani Gilas Women 3x3 head coach Anton Altamirano.
Tanging nagawa ng Gilas Women ang makadikit sa 5-11 sa likod nina Mikka Cacho at Kaye Pingol.
Nakatuwang nina Cacho at Pingol sina Tantoy Ferrer at Gabi Bade para pigilan ang Chinese squad.
Dumikit pa ang Gilas Women sa 12-16 sa huling 3:34 minuto ng laban.
Subalit iyon lamang ang nakayanan ng Gilas Women matapos magpasabog ng malakas na puwersa ang China para makuha ang panalo.
Nagtala si Cacho ng limang puntos habang nagdagdag naman si Ferrer ng apat na puntos. May tig-dalawang puntos sina Pingol at Bade.
- Latest

















