Lao handa nang pumalaot sa PBA
MANILA, Philippines — Handang-handa na si dating University of the Philippines standout Kyles Lao na ipakita kung ano ang mayroon siya.
Nagsumite na ang six-foot guard ng kanyang aplikasyon para sa 2018 PBA Rookie Draft na nakatakda sa Disyembre 16 sa Robinson's Place sa Ermita, Manila.
“I have mixed feelings about it. I’m excited and yet anxious,” wika ni Lao, naglalaro para sa Manila Stars sa 2018 Maharlika Pilipinas Basketball League, sa kanyang pagsalang sa professional league.
Ayon sa 2013 UAAP Rookie of the Year, pangarap niyang makapaglaro sa PBA kagaya ng gusto ng pamilya niya para sa kanya.
“It’s a dream for me to play in the PBA ever since I was young. It’s also a dream for my family,” sabi ng 23-anyos na si Lao.
Inaasahang sapat na ang kanyang eksperyensa sa UAAP, PBA D-League at MPBL para tapunan siya ng interes ng 12 koponan sa PBA.
Naglaro si Lao para sa UP Fighting Maroons sa ilalim nina head coaches Bo Perasol, Ricky Dandan at Rey Madrid bukod pa sa pagkampanya para sa AMA ni mentor Mark Herrera sa PBA D-League at sa Manila Stars ni PBA great Philip Cezar.
Nakatakda ang deadline sa pagsusumite ng aplikasyon sa Disyembre 3 sa PBA Commissioner’s Office sa Quezon City. (RC)
- Latest



















