Twice-to-beat asam ng Baste; Letran lalapit naman sa semis
MANILA, Philippines - Lalapit pa ang Letran sa asam na puwesto sa 87th NCAA men’s basketball Final Four sa pagharap sa Lyceum sa pagpapatuloy ng aksyon ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Tinalo na ng Knights ang Pirates sa unang pagkikita, 92-89, at kung maduduplika nila ito sa larong itinakda ganap na alas-2 ng hapon ay uusad ang kanilang isang paa para sa puwesto sa semifinals.
Magku-krus naman uli ang landas ng mainit na San Sebastian at St. Benilde sa ikalawang laro dakong alas-4 at patatatagin pa ng Stags ang paghahabol sa twice-to-beat advantage sa puntiryang 13-0 karta.
“We have to win against Lyceum para iyong isang paa naming ay nasa Final Four na. But it’s not going to be easy dahil galing kami sa hard game at hindi birong kalaban ang Pirates,” wika ni Knights coach Louia Alas.
Si Kevin Alas na gumawa ng 20 puntos, 5 rebounds, 5 assists at 5 steals nang talunin ng Knights ang Mapua sa overtime, 69-67, ang magmamando uli ngunit handa naman ang ibang team mates niya na tumulong para mapadali ang inaasintang ikapitong sunod na panalo tungo sa ika-11 panalo.
Si Chris Cayabyab ang babandera naman sa Pirates na magnanais na wakasan ang dalawang dikit na kabiguan dahilan upang malaglag sila sa pagkakatabla sa ikalima at anim na puwesto kasalo ang Blazers sa 5-7 baraha.
- Latest
- Trending