Talk 'N Text nasikwat ang No. 1 seat sa quarters
MANILA, Philippines – Tinapos ng Tropang Texters ang kanilang kampanya sa elimination round sa pamamagitan ng isang five-game winning streak kasabay ng pagkopo sa No. 1 seat sa quarterfinal round.
Humugot si Kelly Williams ng 11 sa kanyang 15 points sa mahalagang third period para ihatid ang Talk ‘N Text sa 103-89 paggupo sa Air21 sa 2010 PBA Philippine Cup kagabi sa Araneta Coliseum.
“Our second unit saved us tonight. Our starting unit started flat that’s why we went to our bench early and they really carried the fight for us,” ani coach Chot Reyes sa iniambag na tig-13 markers nina Harvey Carey at Ryan Reyes para sa Tropang Texters. “And in the third quarter, our starters came out to play their regular game and gave us the separation we needed.”
Nagtabla sa 11-3 ang Talk ‘N Text at San Miguel kasunod ang Barangay Ginebra (9-4), nagdedepensang Derby Ace (7-7), Meralco (6-7), Alaska (6-7), Air21 (6-8), Rain or Shine (5-7) at mga sibak nang Powerade (3-10) at Barako Bull (3-11).
Bunga ng kanilang mas mataas na quotient laban sa Beermen, nakuha ng Tropang Texters ang No.1 ranking.
Sa quarterfinals, may bitbit na ‘twice-to-beat ‘incentive ang No. 1 Talk ‘N Text at No. 2 San Miguel laban sa No. 8 at No. 7 teams, ayon sa pagkakasunod.
Ito ang unang pagkakataon na nanguna ang Manny V. Pangilinan franchise sa elimination round ng isang All-Filipino tournament sapul noong 1999 sa ilalim ni mentor Eric Altamirano.
Pinamunuan ni Ronjay Buenafe ang Express sa kanyang 17 points ngunit nalimitahan sa 5 markers sa kabuuan ng second half.
Maaaring mahulog ang Air21 ni Yeng Guiao sa No. 8 depende sa resulta ng mga laro ng Meralco, Alaska at Rain or Shine.
- Latest
- Trending

















