Palit-plaka ng sasakyan nakakabahala!
Sa dami ng krimeng nangyayari gamit ang mga carnap na sasakyan hindi malayong may mga opisyal ng pamahalaan ang sangkot sa mga criminal activities. Hindi kasi biro at nakakabahala ang nag-viral na video ng pagpapalit ng plaka ng isang SUV na pag-aari ng lokal na pamahalaan ng Lipa, Batangas.
Nahuli ang driver ng naturang sasakyan habang tinatanggal ang puting plaka sa likurang bahagi nito at pinapalitan ng pulang plaka. Sa isinagawang follow-up investigation, natukoy na nakarehistro ang SUV sa pamahalaang lungsod ng Lipa.
Pero ano ba ang naisip ng driver ng SUV at pinalitan niya ang plaka ng sasakyan? May kasalanan o may pinagtataguan?
Anu’t anuman, maling-mali ang ginawa nito lalo pa’t gobyerno ang may ari.
Mabuti at mabilis na kumilos si Land Transportation Office (LTO) Chief Markus Lacanilao at naglabas ng Show Cause Order (SCO) laban sa pamahalaang lungsod ng Lipa.
Dahil sa paggamit ng dalawang magkaibang plaka sa iisang sasakyan, pinaghahain ng paliwanag ng LTO ang itinalagang driver at isang kinatawan ng lokal na pamahalaan.
Diretso ang mensahe ni Lacanilao: walang sinuman ang may karapatang gumawa ng sariling patakaran pagdating sa paggamit ng plaka. May-ari man ng pribadong sasakyan o sasakyan ng pamahalaan, iisa ang batas na dapat sundin.
- Latest


















