^

PSN Opinyon

Pasok o pasakit?

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

MAG-study from home muna para hindi masakal ang bulsa ng Bayan.ng Bayan.

Sa totoo lang, kung may sektor na unang tumatama sa sikmura ng pagtaas ng presyo ng langis, hindi ‘yan ang mga naka-aircon na opisina sa Maynila. Ang unang tinatamaan ay ‘yung ordinaryong Pilipino ang jeepney driver, ang kahera sa mall, ang manggagawang arawan, at ang magulang na araw-araw nagkukumahog para lang may maipabaon sa anak.

Ngayon, habang nagbabadya na naman ang panibagong taas-presyo ng langis dahil sa tensyon sa Middle East, naglabas ng hakbang ang administrasyon ni PBBM na apat na araw na pasok sa trabaho sa ilang ahensya ng gobyerno para makatipid sa enerhiya at gasolina.

Maganda ang layunin. Pero may isang sektor na tila nakalimutang isama sa pag-iisip, ang mga estudyante.

Ayon kay DepEd Sec. Sonny Angara, hindi sakop ng four-day workweek ang mga klase sa pampublikong paaralan. Ibig sabihin, tuloy ang araw-araw na pasok ng mga bata, kahit pa araw-araw ding pumapalo ang pamasahe at presyo ng pagkain.

Dito na pumapasok ang tanong ng karaniwang tao na bakit parang laging ang nasa laylayan at middle class ang kailangang magtiis?

Kung tutuusin, napatunayan na natin noong panahon ng COVID-19 na posible ang study-from-home. Hindi ito perpekto, oo.  Maraming sablay. Pero gumana ito bilang pansamantalang solusyon sa isang pambansang krisis.

Ngayon, kung ang gobyerno mismo ay nagbabawas ng araw ng pasok para makatipid sa gasolina, bakit hindi pag-aralan ang ilang araw na study-from-home setup para sa mga estudyante?

Isipin natin ang bigat sa bulsa ng isang magulang:

Pamasahe ng anak. Baon araw-araw. Proyekto. Minsan pati kontribusyon sa kung anu-anong school activity.

Kapag tumataas ang langis, domino ang epekto. Tumataas ang pamasahe. Tumataas ang pagkain. Tumataas ang bilihin. At sa huli, ang nagigipit ay ang pamilyang sakto lang ang kinikita.

Hindi lang ito problema ng mahihirap. Kahit ang middle class, unti-unti ring kinakapos. At oo, kahit ang may kaya ay apektado rin kapag tumataas ang presyo ng lahat.

Kaya kung talagang seryoso ang pamahalaan sa pagtitipid ng enerhiya at pagbawas ng gastos ng mamamayan, dapat pantay ang tingin sa lahat.

Hindi lang opisina ang dapat mag-adjust. Pati sistema ng pag-aaral.

Hindi kailangang permanente. Hindi kailangang magpakalalim sa komplikadong plano. Kahit ilang araw sa isang linggo na online o modular learning habang mataas ang presyo ng langis ay malaking ginhawa na sa milyun-milyong pamilya.

Dahil sa huli, ang tunay na sukatan ng malasakit ng gobyerno ay hindi kung gaano kaganda ang memorandum o press release.

Kundi kung nararamdaman ba ng karaniwang Pilipino na may nakikinig sa kanya.

Kung ang gobyerno ay kayang magtrabaho mula sa bahay para makatipid sa gasolina, bakit hindi natin bigyan ng kaparehong pagkakataon ang mga estudyante?

Hindi ito luho. Ito ay simpleng pag-unawa sa hirap ng buhay sa kanto kung saan bawat piso ay may katumbas na pawis. At sa panahong nagmamahal ang lahat, kahit kaunting ginhawa ay malaking tulong na.

Disclaimer: Ang artikulong ito ay opinyon at mungkahi para sa pampublikong talakayan tungkol sa mga posibleng hakbang upang makatulong sa mga pamilya at estudyante sa gitna ng tumataas na presyo ng langis at gastusin. Hindi ito pahayag laban sa alinmang institusyon o opisyal ng pamahalaan kundi isang panawagan para sa mas malawak na pag-aaral at konsiderasyon ng mga alternatibong solusyon sa edukasyon.

BULSA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with