^

PSN Opinyon

Gutom ng bata, dapat labanan

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

Hindi dapat normal sa Pilipinas ang batang pumapasok sa paaralan na kumakalam ang sikmura, mahina ang katawan at hirap mag-isip dahil kulang sa pagkain. Sa bansang sagana sa likas na yaman at pinagkukunan ng pagkain, nakakalungkot isipin na marami pa ring batang Pilipino ang biktima ng gutom at malnutrisyon.

Kaya dapat tutukan ang panukalang National Children’s Nutrition Act na kamakailan ay inaprubahan ng bicameral con­ference committee. Isa itong hakbang na naglalayong pala­wakin ang feeding program ng gobyerno at gawing mas malawak na programa ang paglaban sa malnutrisyon, mula pagbubuntis hanggang sa paglaki ng bata.

Para kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, isa sa mga may-akda ng panukala, hindi lang ito basta batas kundi puhunan para sa kalusugan at kinabukasan ng susunod na henerasyon. Tama naman. Dahil anong klaseng kinabukasan ang aasahan natin kung ang mga bata mismo ay lumalaki sa gutom?

Sa ilalim ng panukala, palalawakin ang pagpapakain sa mga batang edad dalawa hanggang wala pang limang taon. Sakop din ang mga mag-aaral sa Kindergarten hanggang Grade 3 sa mga pampublikong paaralan, habang bibigyan ng karagdagang tulong-pagkain ang mga kulang sa nutrisyon sa Grades 4 hanggang 6. Pati mga nagdadalang-taong kabataang nag-aaral ay bibigyan ng angkop na suporta.

Tututukan din ang tinatawag na First 1,000 Days ng bata. Sa panahong ito mahalagang mabigyan sila ng sapat na nutrisyon, gatas, bitamina, regular na pagsusuri sa kalusugan at bakuna. Kabilang din sa mga hakbang ang paglaban sa pagkabansot at matinding kakulangan sa nutrisyon.

Pero tandaan natin: hindi sapat ang magpakain lang kapag may programa o may camera sa harap. Kailangang tuluy-tuloy, maayos at ramdam ng mga pamilyang nanga­nga­ilangan ng tulong. Dapat ding bantayan kung saan napupunta ang pondo at kung talagang nakararating ang pagkain sa mga bata.

Maganda rin ang probisyong magmumula sa lokal na mag­sasaka at mangingisda ang hindi bababa sa 30 porsiyento ng mga produktong agrikultura at pangisdaan na kakailanganin ng programa. Ibig sabihin, hindi lang mga bata ang matutulungan, pati mga kababayan nating naghahanapbuhay sa bukid at dagat.

Pero ang tunay na sukatan ng batas na ito ay hindi ang kapal ng papel o dami ng papuri sa Kongreso. Ang sukatan ay kung mababawasan ba ang batang nagugutom, magkakaroon ba ng sapat na pagkain sa hapag at lalaking malusog ang kabataan.

Dahil ang batang busog at malusog ay may mas magandang pagkakataong mangarap at umasenso. Huwag nating hayaang ang kahirapan ang maging dahilan para nakawin ang kinabukasan ng mga batang Pilipino.

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with