Matalinong pamumuhunan sa gitna ng mahirap na panahon
Ngayong Pasko, muling dumadagsa ang mga mamimili sa mga mall, palengke at bazaar. Para sa mga tindahan, kainan at maliliit na negosyo, pagkakataon itong makabawi sa isang mahirap na taon. Gayunman, may hangganan ang siglang hatid ng Kapaskuhan. Habang tumataas ang presyo ng mga bilihin at bumabagal ang paglago ng ekonomiya, mas mahirap pagkasyahin ang budget ng bawat pamilya.
Sa ganitong kalagayan, madaling maunawaan kung bakit ipinagpapaliban ng ilang kumpanya ang kanilang mga proyekto. Mas mahal ang puhunan at pagpapatakbo ng negosyo, at may banta pa ng El Niño. Ngunit para kay Meralco Chairman at CEO Manuel V. Pangilinan, makatutulong ang mga negosyo sa pagbangon ng ekonomiya kung magpapatuloy sila sa maingat na pamumuhunan. Sang-ayon ako rito; kailangang timbangin ang panganib at piliin ang mga proyektong may pangmatagalang pakinabang sa komunidad.
Isang halimbawa ang planong pagbili ng Meralco ng hindi bababa sa 51 porsiyento ng shares ng Iligan Light and Power Inc. (ILPI), na nagsisilbi sa mahigit 78,000 customer sa Iligan City. Layunin ng Meralco na ipagpatuloy ang serbisyong itinaguyod ng ILPI at suportahan ito sa pamamagitan ng karagdagang pamumuhunan at teknikal na kakayahan. Sa isang lungsod na sentro ng industriya at kalakalan sa Hilagang Mindanao, mahalaga ang maaasahang kuryente sa araw-araw na operasyon ng mga negosyo at sa pagpasok ng mga bagong investor.
“ILPI has a proud history of serving Iligan City, built through the dedication and commitment of its shareholders, management, and employees over the years. Meralco intends to preserve that legacy while bringing in new capabilities and investments. We are committed to ensuring that consumers in Iligan City will continue to receive the quality service they deserve and support the city’s continued development,” said Atty. Arnel D. Casanova, Meralco Senior Vice President and Head of Strategic Distribution Utility Partnerships.
“Mahaba at maipagmamalaki ang kasaysayan ng paglilingkod ng ILPI sa Iligan City, na naitaguyod sa loob ng maraming taon sa dedikasyon ng mga shareholder, pamunuan at empleyado nito. Layunin ng Meralco na ipagpatuloy ang nasimulan ng ILPI habang nagdadala ng karagdagang kakayahan at pamumuhunan. Tinitiyak naming patuloy na makatatanggap ang mga taga-Iligan ng de-kalidad na serbisyong nararapat sa kanila, at susuportahan namin ang patuloy na pag-unlad ng lungsod,” ayon kay Atty. Arnel D. Casanova, Meralco Senior Vice President at Head of Strategic Distribution Utility Partnerships.
May papel din ang pamahalaan sa pagpapaunlad ng transportasyon, imprastraktura at digital connection. Kapag mas mabilis ang pagbiyahe ng mga manggagawa at maayos ang paghahatid ng mga produkto, mas madaling lumawak ang negosyo at makalikha ng trabaho.
Pagkatapos ng Pasko, huhupa rin ang dagsa ng mga mamimili. Ngunit, ang mga proyektong maingat nating pinipili at sinisimulan ngayon ay maaaring makapagbigay ng kabuhayan at oportunidad na pangmatagalan.
- Latest















