^

PSN Opinyon

Vaccine nation at ang kulturang Pinoy

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
Vaccine nation at ang kulturang Pinoy

Likas sa kulturang Pilipino ang pagiging “malapit” sa isa’t-isa. Mula sa tahanan at eskwelahan hanggang sa mga barangay at iba pa nating mga komunidad, mahilig tayong makisalimuha nang literal na malapitan. Sadyang tatak na nga raw natin ang pagiging malambing, makarinyo, palakaibigan at hospitable.

Ngunit nawala ang “touch-centric” na ugali nating ito dahil sa COVID-19 pandemic. Dala ng panganib na dulot ng pagkalat ng virus, napilitan tayong sumunod sa social distancing protocols at magkulong na lang sa ating mga bahay.

Mahigit isang taon na ring nawala ang simpleng mga beso o pagmamano sa mga kapamilya, pag-akbay sa mga kaibigan, at ang nakatutuwang apir o holding hands sa mga kabarkada. Hindi ba’t nakaka-miss ang mga ito, lalo na ang ating mga kainan at salo-salo?

FDA, EUA at ang Covaxin

Kaya’t laking pasalamat natin tuwing may mga vaccine na nabibigyan ng Emergency Use Approval (EUA) mula sa Food and Drug Administration. Good news ito dahil ibig sabihin, may karagdagang mga bakuna tayo para panlaban kontra-COVID-19. 

As of mid-April, pinagkalooban na ng FDA ng EUAs ang mga sumusunod: Pfizer, AstraZeneca, Sinovac, Gamaleya, J&J at conditional EUA sa Covaxin (dahil kailangan muna nilang makapagbigay ng Good Manufacturing Practices certification mula sa kahit isang bansang kasapi ng Pharmaceutical Inspection Cooperation Scheme).

Matapos kong talakayin ang limang naunang vaccines sa aming dating mga episode sa Pamilya Talk, tinalakay ko naman sa huling episode ang Covaxin na noong April 20 lang nakakuha ng conditional EUA.

Ang Pilipinas ang pang-siyam na bansa na nagbigay ng EUA sa Covaxin. Ang Bharat Biotech ng India ang nag-develop ng Covaxin sa pakikipagtulungan ng Indian Council of Medical Research. Official distributor naman sa Pilipinas ang IP Biotech, samantalang consolidator ang Ambitech Biopharmaceuticals Inc. (Ambitech).

Walumpu’t-isang porsyento o 81% ang efficacy rate ng Covaxin, ayon sa aming guest na si Dr. Noel Miranda (zoonosis at pandemic preparedness specialist, at IP Biotech scientific advisor). Tinawag niya itong isang uri ng “traditional inactivated vaccine.”  

“We know the historical safety data of inactivated vaccines,” pagtitiyak ni Dr. Miranda. Bagama’t kumplikado at teknikal masyadong ipaliwanag ang proseso ng pag-develop ng inactivated vaccines, siniguro niyang ang gamit na platform o paraan nito ay subok na, o tried and tested method. Pati mga flu shot, rotavirus, at polio vaccine ay kabilang sa mga tinatawag na inactivated vaccine, dagdag pa ng doktor.

Paliwanag naman ni Dr. Benjamin Co ng Cardinal Santos Hospital sa isa pa naming naunang episode, hindi nag-re-replicate ang inactivated vaccines kaya ligtas ang mga ito. Laman ng mga vaccine na ito ang “dead virus” na walang kakayahang mag-infect pa. Gayunpaman, kaya pa rin ng mga bakunang ito na turuan ang ating immune system na mag-generate ng immunological response laban sa impeksyon.

Two doses ang Covaxin, na may 14 days na pagitan. Kasama sa posibleng side effects ang pananakit ng katawan, pamamaga, pangangati, lagnat, panghihina, pagpapantal, pagduduwal, at pagkahilo.

Efficacy vs effectiveness ng mga bakuna

Sa usaping kaligtasan ng mga bakuna, ang madalas na tinitingnan ng mga tao ay ang “efficacy rate” ng mga brand. Ito ang sinabi ni UP-National Institute of Molecular Biology and Biotechnology Director and Department of Health Technical Advisory Group member na si Dr. Edsel Salvana sa isang online media forum noong simula ng taon.

Tinalakay ni Dr. Salvana ang kaibahan ng “efficacy” sa “effectiveness.” Sabi niya, kung sa resulta ng clinical trials nakabatay ang efficacy, sa aktuwal na pagbabakuna sa publiko o “what happens in the real world” naman ang tinutukoy ng effectivenss.

Dagdag nya, “This includes the people who don't want to be vaccinated or did not return for the second dose. So, generally the vaccine effectiveness will be lower than our vaccine efficacy, but we know what the ideal is and that is what the vaccine efficacy will show.”

Sa gitna ng samu’t-sari at nakalilitong mga impormasyon tungkol sa mga bakuna, pinapaalalahanan ni Dr. Salvana ang lahat na hindi dapat pangambahan ang mga bakunang nabigyan na ng EUA. “Let’s not fall into the trap of comparing the vaccines,” mungkahi nya. “Because the context of each of them is different.”  

Ang mahalaga ay ang mabakunahan na tayong lahat. "Let's look at the vaccine efficacy to prevent severe disease. Because that's our main problem with COVID, that it is fatal, in about 2 to 5 percent of people," sabi pa ni Dr. Salvana.

Isa pa, karamihan ng mga bakuna sa kasaysayan ng mundo ay pumipigil sa pagkalat ng mga epidemya. Pero kadalasan, hindi ang mga ito humahantong sa tuluyang pagkawala ng sakit. Isipin na lang natin ang smallpox at polio. Gayunpaman, sa sitwasyon ngayon ng mundo na nakapagtala na ng mahigit 150 million COVID-19 cases, nagbibigay-pag-asa ang 81% efficacy rate ng Covaxin.

Naghihintay ng bakuna para sa polio ang isang grupo ng mga nanay kasama ang kani-kanilang mga anak noong May 1956.
https://www.statnews.com/2019/04/19/mother-polio-importance-immunization/comment-page-1/

Magpabakuna para sa pamilya

Sa pagdami ng mga bakuna, mas dumarami rin ang tsansang mabakuhanan ang ating mga mahal sa buhay. Malay natin? Baka sa Pasko ay makabalik na rin tayo sa dati—mga panahong mahahalikan at mayayakap natin ang ating mga kapamilya’t kaibigan, mga beso at mano, at engrandeng mga kainan. Hindi ba’t nakaka-miss din talaga ang kulturang Pinoy?

Makakamit din natin ito basta tayo’y kumilos na at magpabakuna!

Please watch Pamilya Talk on FacebookYouTube and Kumu (@JingCastaneda – 6 p.m. Monday and Wednesday; 7 p.m. Tuesday). Please share your stories or suggest topics at [email protected]. You can also follow and send your comments via my social media accounts: InstagramFacebookYouTubeTwitter and Kumu.

vuukle comment

COVID-19 VACCINES

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with