Tugon sa kakulangan ng edukasyon
Sa harap ng tumataas na halaga ng tuition sa mga kolehiyo, marami sa ating mga kabataan ang hindi na makatapos ng disenteng edukasyon. Kaugnay nito, may magandang proyekto sa Leyte na dapat marahil tularan sa buong panig ng bansa. Hindi gobyerno kundi pribadong sector ang nangunguna rito bagama’t may papel din ang local governments.
Ito ang bubuksang Kananga EDC Institute of Technology (KeiTech) na magbibigay ng libreng kursong teknikal at bokasyunal sa mga mahihirap ngunit karapatdapat na kabataan sa Leyte. Ito’y proyekto ng Energy Development Corp. Ang Kanaga ay isang maliit na munisipalidad sa Eastern Leyte at wala pang isang porsyento ang mga kabataang nakatuntong ng kolehiyo doon. Lalung masaklap isipin na 15 porsyento lamang ng mamamayan doon ang may trabaho.
Sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 5 bubuksan ang KeiTech. Sana’y magkaroon din ng ganyang programa sa iba pang dahop na lugar sa Pilipinas. Alam natin na ang Leyte ay napakadahop na lugar. Pero kahit sa Metro Manila ay marami ring kabataan na hindi makapag-aral dahil sa kahirapan at angkop din ang ganyang proyekto. Sana’y may iba pang pribadong sector na maglunsad ng ganyang proyekto dahil ang kaunlaran ng bansa ay nakasandal sa karunungan ng mamamayan.
Siyanga pala, ang nangunguna sa proyektong ito ay si Paul Aquino at nakikipagtulungan ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at pamahalaan ng Kanaga. Sa pasimula ay 120 students muna ang tatanggapin sa KeiTech. Annually, madaragdagan daw iyan ng 48 scholars hanggang sa umabot sa 240 students, ani Aquino. Mayroon na ring 120 dormitories ang KeiTech.
Nakatutuwa dahil hindi lang sa edukasyon malilibre ang mga students. Pati uniporme, sapatos, bags, school supplies, board and lodging at marami pang iba. Mayroon ding transpo allowance ang mga scholars.
Ang mga kursong bubuksan ay construction, metal engineering, tourism at health and social services. Nakatayo ang campus sa may 3 ektaryang lupain. Ang EDC ay pag-aari ng Red Vulcan, isang consortium na pinangungunahan ng First Gen. Corp. ng Lopez family. Sila ang nagpapatakbo ng tatlong power plant na nagsu-supply ng kuryente sa Timog Luzon, Visayas at ibang parte ng Mindanao.
Klasikong halimbawa ito ng partnership ng pribado at pampamahalaang sector para makagawa ng mga proyektong pakikinabangan ng bayan. Harinawang marami pa ang gumaya.
- Latest
- Trending














