EDITORYAL — Delikado kapag inarmasan ang MMDA traffic enforcer
BALAK armasan ang mga traffic enforcers ng Metro Manila Development Authority. Itak ang balak ibigay sa kanila para raw hindi bastus-bastusin ng mga pasaway na motorista. Kung may mahaba raw na itak na nakasukbit sa baywang ng traffic enforcer, magdadalawang-isip daw ang drayber kahit may hawak pang tubo at ice pick. Sabi ni MMDA chairman Bayani Fernando naaagrabyado raw ang kanyang mga tauhan sapagkat nasasaktan o nasusugatan dahil sa paglaban ng motorista. May insidente pa raw na binaril ang traffic enforcer. Ang paggamit daw ng itak para sa traffic enforcer ay nasubukan na ni Chairman Fernando noong siya pa ang mayor ng
Bilib kami kay Chairman Fernando sa mga malikhain niyang proyekto sa MMDA. Siya ang nagpasimula ng mga pink na tulay at ihian sa gilid ng kalsada. Siya rin ang may ideya ng mga U-Turn slots. Siya ang nagpapintura sa mga maruruming pader sa kahabaan ng EDSA. Makabuluhan at kung minsan din ay nakatatawa ang mga ideya niya. Ilang taon na ang nakararaan, nagbigay siya ng suhestiyon na ang mga mahuhuling magtapon ng basura sa estero ay babarilin.
Ngayon ay marami pa rin siyang ideya. Nanganganak at nanganganak pa ang kanyang utak basta rin lamang may kaugnayan sa kanyang trabaho. Hindi pa rin tumitigil sa pag-iisip. At ito ngang pinakahuli niyang naisip ay ang armasan ng itak ang mga traffic enforcer.
Hindi na kailangang armasan — kahit na itak ang traffic enforcer. Lalo lamang aabuso ang karamihan sa kanila. Kung ngayon na wala silang armas sa katawan ay kung anu-anong pangongotong ang kanilang ginagawa ay di mas lalo pa kapag binigyan sila ng itak. Hindi magandang ideya ito ni Fernando na bibigyan ng patalim ang mga traffic enforcer.
Ang dapat gawin ni Fernando ay manmanan ang kanyang mga tauhan at baka masyado nang umaabuso. Talamak ang pangongotong ng traffic enforcers na masahol pa sa mga pulis.
Mas magandang ibigay sa kanila ay payong sapagkat kapag umuulan, unti-unti na silang nawawala sa gitna ng kalsada na nagiging dahilan ng pagkabuhul-buhol ng trapiko. Unahing alisin ang mga corrupt na MMDA traffic enforcers bago isiping bigyan sila ng armas. Delikadong magkaroon sila ng armas kahit na purol na itak.
- Latest
- Trending














