^

PSN Opinyon

Hospital arrest, gasgas na ‘script’ sa Pinas

Pabida - June G. Trinidad - Pilipino Star Ngayon

Tuwing may malaking isda sa politika ang nahuhuli ng lambat ng hustisya ay lumalabas ang nagaganap na pamilyar na script na teleserye sa bansa - ang “hospital arrest”.

Ito ay nang arestuhin si dating House Speaker Martin Romualdez sa kasong P7.4-billion plunder na may kaugnayan sa anomalya sa mga flood control projects. Pero, bago pa man maihatid sa selda ay mabilis pa sa alas-kwatro na lumapag ang dating makapangyarihang House Speaker sa Cardinal Santos Medical Center dahil sa umano’y cardiovascular event at panic attack.

Hindi na bago ang ganitong eksena sa mata ng publiko at gasgas na ang linyang “hospital arrest” sa Pilipinas. Kapag nasa rurok ng kapangyarihan ang isang opisyal ng gobyerno ay tila ba na may mga bakal sa pangangatawan na nagpapasya sa bilyun-bilyong pondo ng bayan.

Subalit, kapag dumating na ang pirma ng Sandiganbayan para sila ay panagutin ay biglang hihina ang tuhod, tataas ang presyon, at kakailanganin na ang wheel chair at hospital gown.

Nagbigay na ng direktiba ang Sandiganbayan Third Division na ilagay si Romualdez sa kostudiya ng BJMP pero sa ospital siya mamamalagi pansamantala at ‘yung pansamantala ay walang eksaktong araw na ilipat sa ordinaryong piitan.

Iginagalang natin ang karapatang pangkalusugan ng kahit sinong akusado at hindi maiwasang magtanong na kailan ba magiging pantay ang timbangan ng hustisya sa mahirap at mayaman?

Kung ang isang 80-anyos na lolo na nagnakaw ng mangga sa Asingan, Pangasinan na siya naman ang mismong nagtanim ay kaladkad agad patungong selda, bakit ang mga bilyong piso ang ninakaw sa kaban ng bayan ay tila may VIP card sa mga air-conditioned na kuwarto ng ospital?

Umpisa pa lamang ng isang mahabang proseso ayon sa mga eksperto sa batas na malaking hamon sa administrasyon ni Pangulong Marcos na pinsan si Romualdez at maging sa hudikatura na magpapatunay kung ang pag-aresto ay hindi lamang isang pampulitikang palabas na dapat bantayan ng mamamayan ang bawat hakbang ng kaso.

Huwag nating hayaan na ang P7.4 bilyong pondo na dapat sana ay nagligtas sa milyun-milyong Pilipino mula sa baha ay mauwi lamang sa isa na namang kuwento ng “nakalusot dahil nagkasakit”.

Panahon na upang wakasan ang kultura ng “special treatment”. Dapat may tunay na ngipin ang batas at hindi dapat pumipili ng leeg na kakagatin. Abangan natin ang umano’y susunod na script.

HOSPITAL

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with