NCRPO, pinaigting ang internal cleansing

70 pulis naparusahan
MANILA, Philippines — Pinaigting ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kampanya nito sa internal cleansing upang mapabilis ang pagresolba sa mga kasong administratibo laban sa mga pulis at makamit ang layuning zero backlog, alinsunod sa direktiba ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Mula nang maupo si NCRPO Director PBGen. Christopher Abrahano noong Agosto 23, 2026, umabot na sa 70 pulis ang napatawan ng parusa sa mga kasong administratibo mula Agosto hanggang Oktubre. Sa bilang na ito, 13 ang natanggal sa serbisyo habang 57 ang sinuspinde.
Kabilang sa mga kasong nagresulta sa pagkakatanggal sa serbisyo ang pagliban nang walang opisyal na pahintulot o Absence Without Official Leave (AWOL), paglabag sa Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act, Republic Act No. 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act, at estafa.
Binigyang-diin ni Abrahano na layunin ng internal cleansing campaign na matiyak na ang bawat pulis ay karapat-dapat magsuot ng uniporme at mapagkatiwalaan ng publiko. Inatasan din niya ang mga district director, hepe ng pulisya at unit commander na agad tukuyin at aksiyunan ang mga tauhang sangkot sa maling gawain.
Tiniyak ng NCRPO na ipatutupad ang kampanya nang walang kinikilingan o pinapaboran, alinsunod sa batas, mga patakaran ng PNP at tamang proseso sa paghawak ng mga kasong administratibo.
- Latest





















