Sara Duterte, tatakbong pangulo sa 2028 polls

MANILA, Philippines — Pormal nang nagdeklara si Vice President Sara Duterte ng kanyang intensiyong tumakbo sa pagka-pangulo ng Pilipinas sa 2028 national elections.
“Ako si Sara Duterte tatakbo bilang pangulo ng Pilipinas,” anunsiyo ni VP Sara, sa ipinatawag na pulong balitaan kahapon.
Bago ang naturang pulong, ipinag-utos ni VP Sara ang pagtatanggal ng logo ng Office of the Vice President sa podium.
Sa kanyang talumpati, humingi pa siya ng paumanhin para sa kanyang mga naging desisyong pampolitikal.
“Mga kababayan, humihingi ako ng paumanhin sa inyong lahat. Patawad kung tinulungan kong mahalal si BBM bilang Pangulo ng ating bansa,” aniya.
Anang Bise Presidente, nabigo si Pang. Ferdinand Marcos Jr. na tuparin ang mga ipinangako sa mga mamamayan noong panahon ng kampanya at gampanan ang kanyang sinumpaang tungkulin.
Inihayag din niya na bumaba siya sa kanyang posisyon sa gabinete dahil hindi niya kayang suportahan ang aniya ay 2025 national budget na ‘tadtad ng katiwalian.’
“Dahil hindi ko kinayang maging bahagi ng 2025 national budget na tadtad ng katiwalian, pinili kong umalis sa Gabinete,” aniya pa.
Inisa-isa rin niya ang umano’y mga kabiguan ng administrasyongMarcos gaya ng patuloy na pagbaha, pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, kawalan ng seguridad sa pagkain, mahinang healthcare systems mga imprastraktura, pagdami ng mga krimen, pamamayagpag ng illegal na droga at terorismo.
Binatikos din niya ang umano’y kawalan ng malinaw at independiyenteng foreign policy ng pamahalaan.
Hindi rin niya pinalampas ang aniya ay mga politically motivated na aksiyon ng pamahalaan laban sa kanya.
Aniya pa, “Matagal na akong inaatake gamit ang buong makinarya ng kapangyarihan.”
Dagdag pa niya, bagamat hindi siya natatakot para sa kanyang sarili, nangangamba naman aniya siya para sa kinabukasan ng bansa, at ng mga susunod na henerasyon.
Binigyang-diin din ng Bise Presidente na ang kanyang pagkandidato bilang pangulo ay isang pag-aalok ng serbisyo sa halip na pag-apela ng simpatiya.
“I cannot kneel before each and every Filipino to beg for forgiveness. Instead, I offer my life, my strength, and my future in the service of our nation,” aniya.
Matapos ang binasang limang pahinang talumpati, hindi naman sumagot si VP Sara ng anumang katanungan mula sa mga mamamahayag.
- Latest



















