China nag-flag raising ceremonysa Bajo de Masinloc, pinalagan ng PCG

MANILA, Philippines — Pinalagan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isinagawang National Day flag-raising ceremony ng China Coast Guard (CCG) malapit sa Bajo de Masinloc, at iginiit na hindi nito mababago ang legal na katayuan ng naturang katubigan.
Ayon sa Chinese Embassy sa Maynila, nagsagawa ng flag-raising ceremony ang mga tauhan ng CCG sa katubigang malapit sa Huangyan Dao, ang tawag ng China sa Bajo de Masinloc, bilang bahagi umano ng pagbabantay sa maritime sovereignty nito.
Gayunman, sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela na “misleading” o mapanlinlang ang pahayag ng embahada.
Ayon kay Tarriela, ang Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas at saklaw ng Philippine Maritime Zones Act at United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Binigyang-diin niya na ang mga katubigang nakapaligid dito ay nasa loob ng territorial sea, contiguous zone, at Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Iginiit din ni Tarriela na ang mga tauhan ng CCG na naroon ay nagsasagawa ng operasyon sa katubigang hindi naman pag-aari ng China.
Aniya, ang paggamit ng water cannon at mapanganib na maniobra laban sa mga Pilipinong mangingisda at mga barko ng pamahalaan ay hindi lehitimong law enforcement kundi paraan upang ipatupad ang ilegal na pag-aangkin ng Beijing sa lugar.
- Latest























