Wala pang usapan sa December 16 verdict sa VP Sara trial - Pangilinan
MANILA, Philippines — Kinontra ni Sen. Kiko Pangilinan ang pahayag ng tagapagsalita ng impeachment court na maaari umanong maglabas ng hatol sa impeachment trial ni Vice Pres. Sara Duterte pagsapit ng Disyembre 16.
Sa kanyang Facebook post, nilinaw ni Pangilinan na wala pang pormal o impormal na talakayan ang impeachment court hinggil sa timetable o timeline ng paglilitis, lalo na ukol sa petsa ng pagbabasura o paglalabas ng hatol.
Binigyang-diin pa ni Pangilinan na personal na opinyon lamang ng tagapagsalita ng impeachment court ang naturang pagtataya.
“This verdict date is merely the opinion of the spokesperson. As Senator Judge, I do not share the opinion of the spokesperson. He has no authority to issue his personal opinions on the Court’s behalf,” dagdag ni Pangilinan.
Nauna nang sinabi ni impeachment court spokesperson Regie Tongol na sa kanyang pagtataya, maaaring matapos na sa susunod na linggo ang presentasyon ng ebidensiya ng prosekusyon, dahilan upang mabanggit ang posibilidad ng paghahatol sa Disyembre 16.
Gayunman, ayon kay Pangilinan, wala pang naging pasya ang impeachment court hinggil sa anumang iskedyul ng paglalabas ng desisyon sa kaso laban kay Duterte.
- Latest























