14 kolorum, nag-o-overcharge sa NAIA, hinuli
MANILA, Philippines — Hinuli ng Philippine National Police Aviation Security Group (PNP AVSEGROUP) at Land Transportation Office (LTO) ang nasa 14 na kolorum na sasakyan at mga nag-o-overcharge na mga taxi sa Ninoy Aquino International Airport Complex, Martes ng gabi.
Batay sa report, 10 taxi ang pinigil dahil sa paglabag sa prangkisa at overcharging violations habang 4 na pribadong sasakyan ang na-intercept dahil sa ilegal na operasyon bilang “for hire” nang walang kaukulang awtorisasyon mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Nag-isyu ang mga awtoridad ng Temporary Operator’s Permits (TOPs) sa mga driver habang ang kanilang mga sasakyan ay dinala sa PNP AVSEGROUP Headquarters para sa dokumentasyon.
“Hindi natin hahayaang maghari ang mga mapagsamantala. Ang aming mga operasyon ay magpapatuloy hanggang sa matanto ng mga lumalabag na ang batas ay dapat igalang sa lahat ng oras. Ang AVSEGROUP, sa buong koordinasyon sa iba pang mga ahensya, ay naninindigan na protektahan ang publiko,” ani PNP AVSEGROUP Director PBGen. Jay Reyes Cumigad.
Ang operasyong ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng AVSEGROUP at LTO sa ilalim ng “Oplan Pamasaheng Tapat”.
- Latest


















