^

Punto Mo

Manyakis ka, lagot ka!

QUESEJODA - Butch M. Quejada - Pang-masa

Sa bansang maraming mahihirap na halos hindi makalaban kahit inaapi na, panahon nang iparamdam na hindi laruan ang dig­nidad ng tao. Hindi porke mahirap, walang pinag-aralan, babae, menor- de-edad o walang kapit sa gobyerno ay puwede nang bastusin, takutin at pagsamantalahan. Kaya tama lang na palakasin ang Bawal Bastos Law. Dahil ang pambabastos, hindi simpleng biro lang. Minsan, sugat ito na habang-buhay na pasan ng biktima.

Itinutulak ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ang agarang pagsasabatas ng mas mahigpit na bersyon ng Safe Spaces Act o Bawal Bastos Law matapos aprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 11264.

Ano ba ang ibig sabihin nito para sa ordinaryong mamamayan?

Simple lang: hindi na dapat makakalusot ang mga manyak, mapang-abuso at mahilig mang-harass dahil lang malakas ang kapit o mataas ang posisyon. Sa trabaho, paaralan, pampublikong lugar at maging sa internet, dapat may proteksiyon ang bawat isa.

Mas mabigat na parusa ang nakapaloob sa panukala. Kabilang dito ang pagpaparusa sa grooming o unti-unting pambibiktima sa mga bata sa pamamagitan ng panlilinlang at pagmamanipula. Kahit hindi pa humantong sa aktuwal na seksuwal na pang-aabuso, maaari nang managot ang salarin. Kapag nasa hustong gulang ang gumawa at bata ang biktima, may nakalaang parusang pagkakakulong.

Pati mga bastos na nagtatago sa likod ng cellphone at computer ay hindi dapat ligtas sa pananagutan. Inaatasan ang mga internet platform na alisin o harangin sa loob ng 24 oras ang mapanirang content kapag nakatanggap ng kaukulang abiso o legal na utos. Kasama rin sa proteksiyon ang mga biktima ng pambabastos sa lugar ng trabaho at paaralan.

Mas mahalaga, binibigyan din ng panukala ng mas mahabang panahon ang mga biktima para magsampa ng kaso, mula limang taon ay gagawing sampung taon para sa mga tinukoy na paglabag. Mayroon ding tulong legal, counseling at iba pang serbisyong dapat maibigay sa kanila.

Pero tandaan, hindi sapat ang batas kung sa papel lang magaling ang gobyerno. Kailangang may lakas ng loob ang mga awtoridad na hulihin at papanagutin ang mga abusado, kahit sino pa sila.

Tama ang panawagan ni De Lima: isabatas na ang panukala. Dahil ang mahirap na babae na binabastos sa kalsada, ang estudyanteng minamanipula, at ang empleyadong tinatakot ng manyak na amo ay hindi dapat pinapatahimik.

Ang katawan at dignidad ng tao ay hindi pag-aari ng kahit na sino. Hindi lisensiya sa pambabastos ang pera, kapangyarihan o posisyon. Kung may lakas kang mang-abuso, dapat may tapang din ang batas na papanagutin ka!

CASE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with