Chameleons puro na sa semis
MANILA, Philippines — Idiniretso ng Nxled ang kanilang ratsada sa lima matapos walisin ang bumubulusok na Capital1 Solar Energy, 25-13, 25-20, 25-18, sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Patuloy na sinolo ng Chameleons ang liderato bitbit ang 5-0 record na nagpatibay sa kanilang tsansa sa semifinals spot, habang bagsak ang Solar Spikers sa ikatlong dikit na kamalasan para sa 2-4 baraha.
Pumalo si Fil-Am Brooke Van Sickle ng 13 points para pamunuan ang Nxled at may siyam at tig-pitong marka sina Fil-Am middle blocker MJ Phillips, Jackie Acuña at Jonah Sabete-Escamilan, ayon sa pagkakasunod.
Nagdagdag sina Myla Pablo, EJ Cariño at Ranya Musa ng tig-apat na puntos, habang naglista si setter Gel Cayuna ng 16 excellent sets.
“I would be surprised if this didn’t happen because when we practice, we practice in the same way that we play, and we are practicing really well right now,” ani Italian coach Ettore Guidetti.
Nalimitahan si Capital1 star spiker Bella Belen sa limang puntos sa ilalim ng 12 markers ni Erika Santos.
Hinataw ng Chameleons ang 19-11 abante sa first set para kunin ang 25-13 panalo bago isunod ang second frame, 25-20, at iwanan ang Solar Spikers sa 2-0.
Ang back-to-back hits ni Sabete-Escamilan ang naglayo sa Nxled sa 20-15, samantalang ang block ni Pablo sa palo ni Belen sa panig ng Capital1 ang sumelyo sa kanilang straight-sets win.
Sa ikalawang laro, tinakasan ng Akari ang Choco Mucho, 25-19, 22-25, 25-21, 19-25, 16-14.
Bumangon ang Chargers mula sa naunang kabiguan para makatabla ang Flying Titans sa third spot.
- Latest




















