Pawnshop robbery silat: 8 holdaper timbog

MANILA, Philippines — Nasilat ng mga awtoridad ang tangkang panloloob sa isang pawnshop kasunod ng pagkakaaresto sa walong pinaghihinalaang notoryus na miyembro ng robbery/ holdup gang sa Sta Ignacia, Tarlac nitong Biyernes.
Sa ulat ni Police Regional Office ( PRO)3 Director P/ Brig. Gen. Jess Mendez, dakong alas-10:30 ng umaga nang sunud-sunod na tumunog ang security alarm ng pawnshop sa kahabaan ng Romulo Highway sa Brgy. Poblacion na nagbunsod rin sa 911 call.
Sinamantala umano ng mga suspect ang malakas na pagbuhos ng ulan sa lugar nang isagawa ang pagpasok sa establisimyento sa pamamagitan ng pagdaan sa drainage at paggawa ng butas malapit sa rollup na pintuan nito.
Nagresponde ang mga elemento ng pulisya at dito’y napansin agad ang malaking butas na nilikha ng mga kawatan.
Arestado sa operasyon ang lima sa mga suspek habang nagtatangkang tumakas sa pamamagitan ng pagdaan sa drainage. Nasakote rin ang tatlo pang suspek sa loob ng Isuzu elf truck na pumarada sa Poblacion East habang hinihintay ang mga kasamahan.
Narekober sa mga suspect ang isang improvised pistol, tatlong granada, 8-sachets ng shabu at sari-saring kagamitan na ginamit nila sa bigong pagnanakaw sa pawnshop.
- Latest























