Hindi mapatawad ang sarili
Dear Dr. Love,
Mommy Cenya na lang po ang itawag ninyo sa akin. Ako po ay isang biyuda na hanggang ngayon ay hindi mapatawad ang aking sarili sa nangyari sa aking mister.
Bago siya pumanaw, madalas niyang ireklamo ang pananakit ng kanyang katawan at panghihina. Pero dahil abala rin ako sa mga gawaing bahay at iba pang personal na bagay, hindi ko gaanong pinansin ang kanyang mga reklamo. Akala ko ay simpleng pagod lamang iyon at lilipas din.
May mga pagkakataong hinihiling niyang samahan ko siya sa pagpapatingin sa doktor, pero ipinagpapaliban ko dahil iniisip kong hindi naman ganoon kaseryoso ang kanyang nararamdaman.
Hanggang sa isang araw, bigla na lamang lumala ang kanyang kondisyon at tuluyan na siyang binawian ng buhay.
Ngayon, araw-araw akong inuusig ng aking konsensiya. Paulit-ulit kong tinatanong ang aking sarili kung nailigtas ko kaya siya kung naging mas maalaga at mapagmatyag lamang ako.
Wala na akong pagkakataong bumawi o maiparamdam sa kanya ang pagmamahal na marahil ay ipinagkait ko noong panahong kailangan niya ako.
Dr. Love, paano ko haharapin ang bigat ng aking konsensiya? Paano ko patatawarin ang aking sarili sa pagkukulang ko bilang asawa?
Mommy Cenya
Dear Mommy Cenya,
Hindi na natin maibabalik ang nakaraan, pero maaari nating harapin ang mga pagkukulang nang may katapatan at pagsisisi. Huwag mong parusahan ang iyong sarili habambuhay, pero huwag mo ring balewalain ang aral na iniwan ng pangyayaring ito.
Matuto kang patawarin ang iyong sarili at tanggapin na hindi mo hawak ang lahat ng pangyayari. Kung may pagkukulang ka man, gawin mo itong inspirasyon para maging mas maunawain at mapagmalasakit sa ibang tao.
Tandaan mo, ang pagmamahal sa asawa ay hindi lamang nasusukat sa mga salitang I love you, kundi sa simpleng pag-aalaga, pakikinig at pagkilos, lalo na kapag may karamdaman.
Huwag nating ipagpaliban ang pag-aalaga sa ating mahal sa buhay. Dahil may mga pagkakataong kapag huli na ang lahat, pagsisisi na lamang ang ating maihahandog.
DR. LOVE
- Latest



















