Hotshots nagpatibay sa quarters spot

MANILA, Philippines — Nagkadena si import KJ Buffen ng 24 points at 20 rebounds para tulungan ang Magnolia sa 107-101 pagpapatumba sa Blackwater at palakasin ang tsansa sa quarterfinals ng Season 50 PBA Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Umiskor din si point guard Jerom Lastimosa ng 24 markers, habang nagdagdag si Zav Lucero ng 17 points para sa ikaapat na dikit na arangkada ng Hotshots at itaas ang kartada sa 5-3 sa Group B.
“Nire-remind ko sa kanila na ito na iyong start ng playoff games namin and we have to start playing like we’re in the playoffs,” ani coach LA Tenorio.
Bigo ang Bossing na mailista ang ikalawang sunod na panalo at nahulog sa 3-4 marka bagama’t nakakuha kay Fil-Am guard Sedrick Barefield ng 24 points.
Mula sa 53-50 halftime lead ay itinayo ng Magnolia ang isang 11-point lead, 74-63, sa 4:48 minuto ng third quarter.
Isang 7-0 bomba ang inihulog ng Blackwater sa pangunguna ni import Kentrell Barkley, humakot ng 20 markers, 13 boards at 8 assists, para makalapit sa 70-74.
Ngunit isang 10-2 atake ang pinakawalan ng Hotshots para ilista ang 84-72 kalamangan papasok sa final canto.
Huling nakadikit ang Bossing sa 101-105 sa natitirang 39.1 segundo mula sa dalawang free throws ni Barefield.
Ang dalawang foul shots ni Lastimosa sa huling 3.6 segundo ang sumelyo sa pagresbak ng Magnolia sa Blackwater na nanaig sa una nilang pagtutuos, 89-81.
Dinomina rin ng Hotshots ang rebounding sa hinakot na 55 boards kumpara sa 37 ng Bossing.
- Latest



















