Hatol kay VP Sara target sa Disyembre 16

MANILA, Philippines — Posibleng maglabas ng pinal na hatol ang Senate impeachment court sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte pagsapit ng Disyembre 16, 2026.
Sinabi ni court spokesman Reginald Tongol na kung magagamit ng depensa ang 30 araw na inilaan para sa presentasyon ng mga testigo at ebidensya, maaaring umabot hanggang kalagitnaan ng Disyembre ang paglilitis.
Aniya, mas mataas na ngayon ang kumpiyansa ng impeachment court na matatapos ang paglilitis bago ang holiday recess ng Senado at posibleng mailabas na ang pinal na desisyon sa Disyembre 16.
“Iyan yung target. Of course, alam naman natin sa targets natin, may reality rin tayo on the ground…Ngayon po, with the way that the impeachment trial is going on, mas malakas po yung confidence ng ating impeachment court na matatapos to bago mag-holiday recess po ang Senado. So by December 16 ay magkakaroon na ng final verdict,” dagdag ni Tongol.
Sinabi niya na nasa humigit-kumulang 20 araw nang maaga sa iskedyul ang paglilitis sa kabila ng pagkansela ng mga pagdinig noong Setyembre 30 at Oktubre 2, gayundin ng pinaikling pagdinig noong Oktubre 1. Kung aalisin ng prosekusyon ang Article 3, na may kaugnayan sa alegasyon ng panunuhol, maaari pang maging 27 araw na mas maaga sa iskedyul ang trial.
Ipinaliwanag ni Tongol na matapos iharap ng prosekusyon ang kaso nito, kailangan pa nitong magsumite ng pormal na alok ng mga ebidensya bago tuluyang makapaglahad ng depensa ang kampo ni Duterte.
Nauna nang tinaya ng impeachment court sa pre-trial order na maaaring umabot hanggang Pebrero o Marso ang paglilitis.
- Latest





















