Tulfo: Talamak na medical malpractice, hindi naaaksyunan!
MANILA, Philippines — Kinastigo ni Sen. Idol Raffy Tulfo ang Professional Regulation Commission (PRC) dahil sa mabagal na pag-aksyon nito sa mga kaso ng doktor na nakakagawa ng malpractice sa kanilang mga pasyente kung saan ang iba ay nagreresulta sa kamatayan.
Sa budget hearing ng Department of Labor and Employment (DOLE) at attached agencies nito sa Senado, binanggit ni Sen. Tulfo bilang halimbawa ang kaso noong 2017 kung saan namatay umano ang isang pasyente matapos sumailalim sa ilang procedure nang sabay-sabay. Hindi man lang napatawan ang doktor nito ng preventive suspension kaya naulit ang ganitong insidente kamakailan at pareho ang sinapit ng pasyente.
“Ilang pasyente pa ba ang hinihintay na mamatay ng PRC? Sampu? Sandaan? Para lang umaksyon,” tanong niya.
Paliwanag ni PRC Chairperson Charito Zamora, ang kaso noong 2017 ay isinampa naman daw nila sa Board of Medicine noong 2021 at nananatili sa “board level” -- bagay na ikinainit ng ulo ni Idol dahil inabot pa ng tatlong taon bago naisampa ito at halos siyam na taon na ay nakatengga pa rin ang kaso at walang nananagot.
Binigyang-diin ni Idol na kung nagsagawa lamang sana ng mga motu proprio investigation ang PRC noong unang naireport sa kanila ang malpractice noong 2017 at napatawan ang doktor na nagkamali ng preventive suspension ay naiwasan na sana ang panibagong insidente ng medical malpractice kung saan buhay ang nasayang.
Gayunpaman, nangako si DOLE Sec. Francis Tolentino kay Sen. Raffy na bubuo siya ng fact-finding team para maimbestigahan ang problemang ito nang sa gayon ay makasuhan ang dapat makasuhan at magsasagawa rin ng imbestigasyon sa clinic na konektado sa medical malpractice.
- Latest






















