NPA rebels 4 beses lumabag sa ceasefire
MANILA, Philippines - Apat na insidente ng paglabag sa unilateral ceasefire na idineklara ng pamahalaan ang naitala ng Armed Forces of the Philippines (AFP ) laban sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA).
Sinabi ni AFP Public Affairs Office Chief Lt. Col. Harold Cabunoc na sinamantala ng NPAs ang pinaiiral na SOMO (Suspension of Military Operations) ng tropa ng pamahalaan sa paglulunsad ng mga ito ng karahasan.
“Records show that the NPA has reciprocated the government’s gesture of peace with acts of violence during the period of SOMO,” pahayag pa ni Cabunoc.
Ang isang buwang unilateral ceasefire ng AFP ay nag-umpisa noong Disyembre 18, 2014 at magtatapos sa Enero 19, 2015.
Samantala, tinapatan naman ito ng mas maikling tigil putukan ng NPA mula hatinggabi ng Disyembre 24, 25, at 26; mula Disyembre 31, 2014 hanggang Enero 1, 2015 para sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon. Gayundin mula Enero 15-19 para naman sa papal visit .
Kabilang sa mga bayolenteng aktibidad na kinasangkutan ng NPA rebels ay ang panununog ng mga heavy equiptments sa Camarines Norte at isang sasakyan ng sibilyan sa Agusan del Sur.
Sa Panabo City, Davao del Norte ay dinukot ng mga ito si Marvin Coquilla, provincial Jail Warden ng Compostela Valley na naganap noong nakalipas na buwan.
Gayundin, tinambangan naman at napaslang ng mga rebelde sina 1Lt. Ronald Bautista, Pfc. Albert Amor at Cafgu Renel Baluca. (Joy Cantos)
- Latest