PANOORIN: 'Diktador' o 'walang pakialam'? Marcos, hindi makikialam sa budget process ng Kongreso — Palasyo
MANILA, Philippines — Iginiit ng Malacañang na hindi makikialam si Pangulong Bongbong Marcos sa trabaho ng Kongreso nang tanungin kung nakausap na nito ang liderato ng Kamara tungkol sa General Appropriations Bill.
"Hindi ito panahon para kay pangulo na pakialaman sila dahil kapag sila ay kinausap at makikialam sa trabaho ng House of Representatives or ng Senado ang sasabihin ng ibang tao ay diktador, kapag naman hindi nakialam sasabihin ninyo walang pakialam," ani Palace Press Officer Claire Castro nitong Martes, Nobyembre 3.
Binigyang-diin din ni Castro na hindi mandato ng pangulo na makialam sa trabaho at desisyon ng Kamara at Senado, at nanawagan na sana ay hindi ipalabas agad ang "spin" na mayroon nang anomalya sa budget.
"Dadaan pa po iyan sa bicam conference at dadaan pa po iyan sa pagsusuri ng economic team ng pangulo bago ito pirmahan kaya huwag sanang ipalabas agad na mayroon nang anomalya at ang lumalabas na may kasalanan ay ang administrasyon. Sana huwag naman ganoon ang maging spin ng kuwento ng iba," aniya.
Giit naman ni Castro na handang makipagtulungan ang Palasyo sa mga tagabantay ng budget dahil sila ay "kailangan ng gobyerno."
"Kailangan po kayo para po madinig kayo ng pangulo," aniya. — Karagdagang ulat mula kay Cristina Chi
- Latest























