Kasosyo ni VP Sara imbestigahan din - Malacañang

MANILA, Philippines — Naniniwala ang Malacañang na dapat ding imbestigahan ang negosyanteng si Jaime Cruz, dating special envoy ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kaugnay ng umano’y negosyo at transaksyon nito kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi lamang mga opisyal ng gobyerno kundi maging mga pribadong indibidwal na posibleng sangkot sa korapsyon o nakikipagsabwatan sa paglustay ng pondo ng bayan ay dapat ding masiyasat.
“Hindi po dapat tigilan ang pag-iimbestiga sa mga ganyang klaseng pagkakataon o sitwasyon,” ani Castro.
Sinabi rin niya na mahalagang mabusisi ang pagkakasangkot ni Cruz dahil siya umano ang may kaugnayan sa GenCorp, na nakakuha ng 19 na transaksyon sa Davao City, kung saan 15 umano ang naipagkaloob nang walang bidding.
Lumutang ang pangalan ni Cruz sa impeachment trial ni VP Duterte. Dahil dito, sinisilip na rin ng House prosecutors kung may posibleng paglabag sa Anti-Dummy Law at kung ano ang lawak ng kanyang partisipasyon sa mga transaksyon.
Samantala, sinabi ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na paulit-ulit na lumilitaw ang pangalan ni Cruz sa iba’t ibang negosyo ng mga Duterte, kabilang ang GenCorp at iba pang kumpanyang nakalista sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Duterte, kung saan nagsilbi rin umano itong incorporator. Iginiit ni Adiong na may malinaw na usapin ng conflict of interest sa pagkakasangkot ni Cruz sa mga negosyo ng pamilya Duterte.
“That would give you an idea na itong kontrata na ito na napanalunan ng GenCorp, it’s not just because they can supply the needed commodities by the city government, but because of the closer ties of Mr. Jaime T. Cruz with the Duterte family,” ani Adiong.
Ayon pa sa mambabatas, malinaw sa mga SALN ng Bise Presidente noong 2024 at 2025 na idineklara nito ang kanyang mga business interest at sinumpaan ang mga naturang deklarasyon.
“Si Jaime T. Cruz hindi lang po siya ordinaryong negosyante. Professionally, kasama na nila ‘yan at, I would say, financially, kasama na rin nila ‘yan. So, conflict of interest all around the issue,” dagdag ni Adiong.
- Latest





















