Apoy sa Balsa (41)
NATIGILAN si Kael. “Pero Sir, hindi ko naman po kayang makipaghiwalay sa girlfriend ko”
“Hindi ko sinabing makipaghiwalay ka,” putol ni Mr. Frank. “Ang sinasabi ko, itago mo muna. Walang posts sa social media, walang sweet photos, at walang nakakakita sa inyo sa labas. Kahit ilang buwan lang habang ipinapakilala ka sa publiko.”
Nang hapong iyon, matapos ang meeting, hiningi ni Kael na makausap si Rhea sa kilalang tahimik na bahagi ng rooftop garden ng isang highrise building.
Tahimik na nakatayo si Rhea, nakatanaw sa malawak na skyline ng lungsod habang hinihintay ang binata. Nang makalapit si Kael, agad na napansin ng dalaga ang mabigat na aura sa mukha nito.
“Ano ang sabi nung talent manager?” tanong ni Rhea, may bahagyang kaba sa boses.
Dahan-dahang pumasok ang mga kamay ni Kael sa kanyang bulsa, bago bumuntong-hininga nang malalim. Tumingin siya kay Rhea, ang babaing nag-alok sa kanyang magtago noon para sa sarili nitong karera.
“Gusto niya akong maging talent niya, Rhea,” mahinang simula ni Kael. “Pero may isang kondisyon.”
“Ano?”
Iniyuko ni Kael ang ulo, hindi halos makatingin nang deretso sa mga mata ng dalaga. “Tinanong niya kung may girlfriend ako. Sinabi ko ang totoo… pero nakiusap siya. Kailangan daw nating itago ang relasyon natin sa ngayon. Bawal daw malaman ng tao na may girlfriend ako habang nag-uumpisa pa lang ang career ko.”
Napatigil si Rhea. Ang bawat salita ni Kael ay tila isang malamig na hampas sa kanyang mukha.
Naalala niya ang araw na pinalalayo niya si Kael sa kanyang opisina, ang araw na natatakot siyang makita ng iba na kasama ito. At ngayon, sa isang kakaibang pag-ikot ng tadhana, siya naman ang inilalagay sa sitwasyong ito.
Napakagat-labi si Rhea. Gusto niyang magalit, ngunit alam niyang wala siyang karapatan, dahil ito ang mismong laro na itinuro niya kay Kael.
“So…” basag ang boses ni Rhea habang pinipilit na maging matatag. “Ako naman ngayon ang magiging lihim mo?” (Itutuloy)
- Latest















