2 amasona utas sa engkwentro, 1 sumuko
MANILA, Philippines — Napatay sa isang sagupaan ang dalawang amasonang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) habang isa pa ang nasakote sa lalawigan ng Surigao del Sur noong Biyernes.
Sa ulat ni Col. Glenn Joy Aynera, Acting Commander ng Army’s 401st Infantry Brigade, kinilala ang mga nasawing amasona sa mga alyas “Ka Louise” at “Ka Plender”.
Ang sumukong rebelde ay kinilala naman sa alyas na “Ka Junjun” na hindi na nakayanan ang matinding gutom at hirap na tinitiis sa pamumuhay sa kabundukan na malayo sa piling ng kaniyang pamilya.
Sa ulat, alas-9:00 ng umaga nang makasagupa ng tropa ng mga sundalo mula sa 30th Infantry Battalion (IB) sa ilalim ng Armys 401st Infantry Brigade ang isang pulutong ng mga rebelde sa liblib na bahagi ng Brgy.San Roque,San Miguel ng lalawigang ito.
Ang palitan ng putok ay tumagal ng 20 minuto na ikinasawi ng dalawang amasona na inabandona ng mga nagsitakas ng mga itong kasamahan.
Narekober ng tropa ng militar ang mga backpacks na naglalaman ng mga personal na kagamitan ng dalawang amasona at mga subersibong dokumento.
- Latest














